Nangangamba

Dear Dr. Love,

Bago ang lahat, binabati muna kita at lahat ng iyong mga masusugid na tagasubaybay.

Lagi akong nagbabasa ng kolum mo sapul pa nung ako’y teenager pa. Ako nga pala si Pia, 26-anyos na ngayon at may asawa.

Isang medical representative ang mister ko at mas matagal kaming nagkakalayo dahil kung saan-saang probinsya siya nagtutungo. Minsan lang kung isang linggo kami magkita at kinabukasan ay lalarga na naman siya patungo sa ibang des­tinasyon.

Pakiramdam ko, kahit may asawa ako ay parang wala dahil minsan sa isang linggo kung umuwi siya ng bahay.

Kung minsan, kung anu-ano ang pumapasok sa isip ko. Na siya ay may iba nang pamilya at pinag­­­tataksilan ako. Ewan ko nga ba at ganito ako ka-insecure. Guwapo kasi ang asawa ko at hindi ako kagandahan.

Nag-iisa ang aming anak na lalaki na paborito ng mister ko at sa tingin ko ay siya lang ang dahilan kung bakit umuuwi pa siya.

Ayaw ko naman siyang usisain dahil natatakot akong masaktan. Ano ang gagawin ko para ma­wala ang aking takot?

Pia

Dear Pia,

Ang matibay na relasyon ay may kaakibat na pagtitiwala sa isa’t isa. Kapag mahal mo ang tao, buung-buo mong inilalagak ang pagtitiwala sa kanya.

At ituring mong masuwerte ang sarili mo. Kahit hindi ka kagandahan ay inibig ka at pinakasalan ng isang guwapo. Isa lang ang kahulugan niya: Mahal ka niyang totoo.

Kaya bakit ka mangangamba? Kung madalas mang out of town ang asawa mo ay sa dahilang iyan ang hinihingi ng kanyang trabaho. Ahente siya ng gamot at natural lang na magtungo siya kung saan-saan.

Mangamba ka sa sandaling nagkukulang na siya sa iyo at sa iyong pamilya. Pero hangga’t naki­kita mo ang pagka-uliran niyang asawa, wala kang dapat ikatakot.

Hindi mo nasabi kung may mga pagkukulang siya na posibleng indikasyon ng pagkakaroon niya ng another woman. Pero inuulit ko, kung wala kang makitang pagbabago sa kanyang ugali, ano ang dapat mong ikatakot?

Dr. Love


Show comments