Langit siya, lupa ako
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Ms. Lay M., matandang dalaga at 45-anyos. Hindi ako nakapagtapos ng kolehiyo. Gusto ko ring magkaroon ng asawa’t anak at hindi ko intensiyong maging old maid habambuhay.
Marahil, umabot ako sa ganitong gulang dahil masyado akong pihikan sa lalaki. Kapag may nakita akong hindi maganda sa isang lalaki ay agad akong nawawalan ng gana.
Minsan lang akong nagka-boyfriend nang ako’y 20-anyos. Hindi kami nagtagal dahil sa nakita kong kapintasan niya. Lagi akong kinakantyawan ng mga kaibigan ko sa pagiging masyadong pihikan. Baka raw maiwan ako ng biyahe.
Ngayon ay umiibig ako sa isang lalaki. Tawagin mo na lang siyang Mr. R. Siya ay 53 years-old. Propesyunal siya at nagtuturo sa Mapua University (Engineering Dept.) Malimit po kaming mag-away na parang aso’t pusa. Sa loob ng 13 taon ay hindi ko maiwasang ma-develop sa kanya. Nagbibigay pa nga siya ng mga prutas at kung anu-ano sa akin.
Mabait po siya Dr. Love pero sobrang mamintas at manlait. Bawat pintas niya’y aking iniiyakan. Dr. Love, nahihirapan na po ako sa aking nararamdaman. Alam kong may gusto siya sa akin pero nahihiya siyang aminin sa kanyang sarili at sa akin.
Alam ko rin na kakantiyawan siya sakaling mapangasawa ako dahil hindi ako propesyunal at mababa ang pinag-aralan.
Sana po ay mapagpayuhan mo ako.
Ms. Lay M.
Dear Ms. Lay M.,
Ang problema’y hindi naman siya nanliligaw sa iyo. Ewan ko pero sa edad ninyo ngayon, wala na siguro ang hiya-hiya kung talagang gusto ka niya. Hindi naman siya teenager para matorpe.
At kung mag-propose siya sa iyo at sagutin mo, ano’ng kahiya-hiya roon? Hindi problema kung may natapos man siya at ikaw ay wala dahil ang importante ay nagmamahalan kayo.
Ang kuwesyon lang ay kung magkakaanak pa kayo tulad ng inaasam mo dahil 45-anyos ka na. Ngunit may anak man o wala, ang mahalaga ay ang pag-iibigan ninyo.
Dr. Love
- Latest
- Trending