Ipinagbili sa matanda

Dear Dr. Love,

Good day po sa inyong lahat na bumubuo sa inyong pahayagan at column. Ako po si Jinky, 21 years-old at tubong Mindanao.

Ang problema ko ay ’yun pong asawa kong matanda na ang edad ay 81-nyos na.

Siguro po ay nagulat kayo sa aking kalagayan. Hindi ko po ito ginusto. Ipinagbili ako ng aking mga magulang sa kanya.

Sa ngayon po ay anim na buwan na kaming magkasama. Pero hindi po ako masaya sa aking kalagayan. Gusto ko na po siyang hiwalayan.

Kung hihiwalayan ko po ba siya ay may financial support akong maaasahan?

Talagang impiyerno po ang buhay ko ngayon. Sana ay pagpayuhan ninyo ako dahil wala na akong mahingan ng tulong.

Maraming salamat po at more power.

Jinky

Dear Jinky,

Kung ikinasal ka sa kanya ay medyo may problema ka. Kailangan mo ng malaking halaga para ipawalang-bisa ang kasal.

Kung hindi ka kasal, walang makapipigil sa iyo kung hiwalayan mo siya dahil hindi mo naman siya gusto at pinilit ka lang ng iyong mga magulang.

Wala tayong divorce sa Pilipinas. Sa divorce, may maaasahang sustento ang babae (alimony) kapag nakipaghiwalay sa asawa.

Ang tanging mayroon tayo ay ang tinatawag na annulment. Dito’y idinideklara ng korte na walang naganap na kasalan dahil sa iba-ibang dahilan tulad ng “pamimilit ng magulang” at iba pa. Pasok ka sana riyan pero magastos. Kaka­ila­nganin mo ng abogado at malaking halaga. Kung may kaibigan kang abogado ay puwede kang magtanong. Mayroon ding Public Attorney’s Office sa inyong munisipyo na puwede mong pagtanungan at baka makatulong sa iyo.

Pero kung hindi ka naman kasal, layasan mo na lang si matanda.

Dr. Love


Show comments