Inferiority complex

Dear Dr. Love,

Last year ko pa ibig sumulat sa iyo. Kaso nahihiya ako. Personal kasi ang problema ko kaya itago mo na lang ako sa pangalang Rudolf, 34-anyos at binata pa. Hindi ko pa nararanasang magka-siyota dahil marahil sa pagkatorpe ko. Ngunit may dahilan ang pagkatorpe ko. Hindi kasi ako guwapo at may kapintasan pa. Isa akong kuba. Ang tawag nga sa akin ng mga kakilala ko ay “kabo.”

Kaya kahit may nagugustuhan ako, hindi ako makadiskarte. Hindi naman grabe ang pagka-kuba ko pero talagang tipong hindi iibigin ng babae.

Isa akong matadero sa palengke. Sa trabaho kong ito ay umibig ako sa isang tindera ng gulay. Tawagin mo na lang siyang Dina. Hanggang ligaw-tingin lang ako. Kapag nahuhuli niya ako’y nginingitian naman ako. Para naman akong hihimatayin kapag ngumiti siya.

Isang taon ko na siyang kilala at alam ko’y wala siyang boyfriend kahit may mga manliligaw siya. Dapat ba akong lumigaw sa kanya? Hindi ba diyahe?

Rudolf

Dear Rudolf,

May karapatan kang manligaw dahil binata ka naman. Huwag mong gawing balakid ang iyong pisikal na anyo.

May mga kakilala ako na unano ang lalaki pero ang asawa’y normal. May mga kuba ring katulad mo na may asawa’t anak at maligayang nagsasama.

Sa tingin ko ay mayroon kang inferiority complex dahil sa kapansanan mo. Paglabanan mo iyan at makikita mong balang araw ay makakakita ka ng babaeng mamahalin at magmamahal din sa iyo.

Dr. Love


Show comments