'Pangit' may gusto sa guwapo
Dear Dr. Love,
Kumusta ka? Matagal ko nang gustong sumulat sa iyo pero nauunahan ako ng hiya. Baka mabasa ng mga kakilala ko ang sulat ko dahil nakakahiya ang aking problema.
Tawagin mo na lang akong Lagring. Hindi iyan ang tunay kong pangalan para wala nang makakilala sa akin.
Umiibig ako sa isang co-worker ko. Guwapo siya at mabait.
Kaso, pangit ako. May bingot ako sa labi at kung magsalita ako ay medyo ngongo. Mabait naman siya sa akin at parang hindi pinapansin ang kapintasan ko.
Minsan nga ay tinutukso siya ng mga kasamahan namin sa trabaho sa akin. Pero alam ko namang talagang gentleman lang siya at mabait at wala siyang kursunada sa akin. Sino ba naman ang magkaka-interes sa isang katulad ko?
Kaso, talagang in-love ako sa kanya at hindi na ako mapagkatulog tuwing gabi sa kaiisip sa kanya. Minsan ay gusto ko na siyang pagtapatan kahit sa sulat man lang.
Maloloka yata ako kapag hindi ako nakapag-propose sa kanya. Ngunit ang ikinatatakot ko ay baka pagtawanan niya ako.
Ano’ng gagawin ko?
Lagring
Dear Lagring,
Nauunawaan ko ang damdamin mo pero isa kang babae. Ang babae ay nililigawan at hindi nanliligaw.
Kaya huwag mong gagawing magparamdam man lang sa kanya dahil lalabas kang mumurahing babae. Kahit ganyan ang anyo mo, dapat mong pahalagahan ang kagandahang asal at kahinhinan.
Salat ka man sa gandang pisikal, panatilihin mo ang kagandahan ng ugali na hindi mawawala kailanman. Ang gandang panlabas ay nawawala paglipas ng panahon pero ang busilak na puso ay mananatiling busilak magpakailanman.
Kung nagpapakita ng kabaitan sa iyo ang lalaking crush mo, maging mabait ka rin sa kanya at sikapin mong maging good friends kayo. Ano’ng malay mo, baka dumating ang araw na mahulog din ang loob niya sa iyo at ikaw ay ligawan?
Dr. Love
- Latest
- Trending