^

Dr. Love

Diyos ang nakakaalam

-

Dear Dr. Love,

Isa po akong tagahanga ng inyong malaganap na column at kaya ako lumiham sa inyo ay para maibahagi ang mapait kong karanasan sa pag-ibig.

Taong 2003 po nang mapasok ako bilang waiter sa isang sikat na restaurant sa Maynila. Humigit kumulang sa dalawang taon akong namasukan doon. Dito ko nakilala si Trixie. Naging regular na customer ko na siya mula noon.

Tuwing nagpupunta siya sa restaurant, lagi na niya akong nireregaluhan. Napakabait po niya.

Pagkaraan ng ilang buwan, naramdaman ko na nahuhulog na ang loob ko sa kanya. Hindi ko na napi­gilan na magtapat sa kanya ng aking nararamdaman.

Tinanggap naman niya ang niluhog kong pag-ibig. Niyaya niya akong magsama sa isang boarding house.

Isang gabi, dakong alas-10:30, dumating ako sa aming boarding house. Nang buksan ko ang pintuan ng aming tirahan, nagulat ako nang makitang lahat na gamit ko ay nakakalat.

Kinabahan ako. Tinawag ko si Trixie. Walang suma­sagot. Hanggang matagpuan ko si Trixie, nakahandusay at duguan ang katawan.

Wala akong ibang ginawa kundi buhatin si Trixie. Dinala ko siya sa isang malapit na pagamutan at doon ay binawian siya ng buhay.

Napakasakit ng pangyayaring ito. Habang naghi­hintay ako sa waiting room, mayroong lumapit sa aking imbestigador. Pinilit niya akong paaminin na pinatay ko si Trixie. Hindi ko magagawa iyon sa ba­baeng mina­mahal ko. Inaresto ako at sinampahan ng kaso.

Hindi ko po akalain na ako ay mahahatulan ng pag­­ka­bilanggo ng mula walo hanggang 14 taon sa isang pagkakasalang hindi ko naman ginawa.

Ibayong pait itong mapagbintangan nang hindi ko naman ginawang pagkakasala.

Sa ngayon po, naririto ako sa pambansang piitan.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa matanggap ang kasawiang palad na ito na dumating sa aking buhay.

Para maging kapaki-pakinabang ang aking panahon sa kulungan, naisipan kong magpatuloy ng aking pag-aaral sa kolehiyo.

Sa kabila ng pangyayaring ito, hindi ako nawa­walan ng pag-asa na balang-araw, mapapato­tohanang wala akong kasalanan. Tanging Diyos ang aking saksi na mali ang kanilang bintang sa akin.

Ang kahilingan ko lang po sa inyo, sana magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.

Maraming salamat po at more power to you.

Lubos na gumagalang,

Jay Jardin

MSC Student Dorm 229,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

Dear Jay,

Mabuti at napagpasiyahan mong magpatuloy ng pag-aaral. Ang nangyaring ito sa buhay mo ay ituring mong isang mahirap na pagsubok na sa sandaling mapatu­nayang totoo ang sinasabi mong wala kang kasalanan. Ang nalampasan mong pagsubok ay magbibigay sa iyo ng ibayong kaligayahan.

Kaya lang, kailangan mong gumawa ng hakbang na legal para maiapela sa korte ang iyong kaso, kung mayroon kang bagong pruwebang maihaharap.

Magkagayuman, may aral ding mapupulot sa insidenteng ito. Kailangang alam mo ang mga karapatan mo para hindi ka natatapakan ng iba.

Kung totoong wala kang pagkakasala, sana’y patunayan mo ito para hindi ka nagdurusa sa isang krimeng hindi mo kamo kagagawan.

Mahiwaga rin ang buhay ng naging kasintahan mo. Sana inalam mo muna kung sino siya talaga bago ka nakisama.

Mayroon ba siyang atraso sa iba? Mayroon ba siyang asawa o ibang kasintahan bago mo nakilala?

Pagbutihin mo ang pagbabagong-buhay para mapaaga ang iyong paglaya kung makapag-aaply ka ng parole. Good luck! Sana’y magkaroon ka ng maraming kaibigan.

Dr. Love


AKO

AKONG

CAMP SAMPAGUITA

DEAR JAY

DR. LOVE

HANGGANG

ISANG

SHY

TRIXIE

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with