Babangon sa kinadapaan

Dear Dr. Love,

Tanggapin po ninyo ang taos-puso kong pagbati sa inyo ng isang mapag­palang araw. Nawa po ay datnan kayo ng liham na ito sa mabuting kalagayan kasama na po ang lahat ninyong kasa­mahan sa PSN.

Nagpapasalamat po ako at may­roong isang malaganap na paha­yagang tulad ng PSN na naglalathala ng pitak ninyong Dr. Love. Baka hindi ninyo alam, marami na po kayong na­tu­­lungang kasamahan ko dito sa piitan.

Maging ako man ay sa inyong pitak nakakakita ng kaginhawahan ng ka­looban sa pagbabasa ng mga toto­ong pangyayari sa buhay na inilalahad ng inyong mambabasa at binibigyan naman ninyo ng kaukulang payo.

Ako nga pala si Shan Ronald Alcarpio, 29 years-old, ng Batangas, college graduate, mula sa isang sim­pleng pamilya at bunso sa tatlong magkakapatid.

Pinalaki po ako ng aking mga magulang na busog sa magagandang aral pero ewan ko nga ba kung bakit ako nagkaganito.

Hindi po ako likas na masama. Pro­dukto lang po ako ng isang magu­long mundo. Pagkatapos ng pag-aaral sa kolehiyo, nagkaroon ako ng ma­gandang trabaho. Nagkaroon ako ng nobya, si Karen, na mahal na mahal ko.

Pero napasok ako sa masalimuot na buhay, natuto ng mga bisyo at ma­agang nakipaghalubilo sa mga taong may katungkulan na siyang nagpa­lakas ng aking loob na malulong sa paggawa ng karahasan.

Napagod na ang aking mga magu­lang sa pagpapayo sa akin at maging ang aking kasintahan.

At nang makaisip ako ng pagba­bago, saka ako biglang idinawit sa hindi ko naman ginawang kaso na siyang naging daan sa aking pagka­kakulong.

Wala akong nagawa. Malalakas at may kapangyarihan ang mga nag-akusa sa akin. Natanggap ko nang wala akong laban sa kanila.

Ang hindi ko matanggap, dahil sa pagkakakulong ko, nawala sa akin ang minamahal kong nobya.

Hindi ko malilimutan nang duma­law siya sa akin sa piitan para ma­maalam. Dadalhin na raw siya ng kanyang mga magulang sa kanilang lalawigan sa Bataan.

Hindi ako marunong umiyak pero napaluha ako sa pamamaalam na ito ni Karen. Saka ko ganap na natanto na hindi ko kayang mawala siya sa aking buhay.

Hanggang sa may nagbalita sa akin na nagpakasal na raw si Karen sa ibang lalaki. Wala na talaga ang aking mahal. Sa gitna ng kalungkutan, salamat na lamang at mayroon pa akong mga magulang na umaalo sa akin.

Sa ngayon po, muli akong nag-aaral dito sa loob ng kursong entrepreneurship na siyang inaasahan kong ma­gagamit ko sa pagpa­panibagong tatag sa sandaling makalaya na ako sa bilangguan.

Ipinangako ko rin sa sarili na sisikapin kong makabangon sa kina­dapaan at na-realize ko lang na im­portante ang pagbabago nang ma­wala na sa akin ang aking si Karen.

Ang kahilingan ko lang Dr. Love, sana may makabasa ng liham kong ito at sana, lumiham sila sa akin para makipagkaibigan.

Sa isang panahong madilim ang tingin ko sa hinaharap, ang pakiki­pag­palitan ng liham sa mga bagong kakilala ang magsisilbi kong inspiras­yon para ganap na makahulagpos sa anino ng aking kahapon.

Sana po, kapulutan ng magan­dang aral ng mga kabataan ang karanasang kong ito sa buhay. Huwag sana nila akong tularan.

Shan Ronald Alcarpio

4-D College Dorm,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

 

Dear Shan,

Salamat sa pagkakamulat mo sa katotohanang ang importansiya ng isang tao ay nabibigyang kahala­ga­han kapag ang taong ito na nagmahal din sa iyo nang tapat at umasa noon sa iyong pagbabago ay nawala na sa buhay mo.

Marahil ninais ng tadhana na mang­yari sa iyo ang karanasan mo para ma­mulat ka sa katotohanang walang pag­sisi sa una kundi sa huli.

Ang pangako mong pagbabago ay matiim mong ipangako hindi lang sa sarili kundi sa Diyos na siyang gaga­ bay sa iyo sa pagtahak sa mabuting landas.

Siya at wala nang iba ang tanging makapagpapatawad sa iyong mga pagkukulang at Siya ring nakakaalam kung anong magandang bukas ang naghihintay sa iyo sa hinaharap.

Good luck. Sana ay makatagpo ko ng mga tunay na kaibigan sa panulat.

Dr. Love

Show comments