Babangon sa kinadapaan
Dear Dr. Love,
Tanggapin po ninyo ang taos-puso kong pagbati sa inyo ng isang mapagpalang araw. Nawa po ay datnan kayo ng liham na ito sa mabuting kalagayan kasama na po ang lahat ninyong kasamahan sa PSN.
Nagpapasalamat po ako at mayroong isang malaganap na pahayagang tulad ng PSN na naglalathala ng pitak ninyong Dr. Love. Baka hindi ninyo alam, marami na po kayong natulungang kasamahan ko dito sa piitan.
Maging ako man ay sa inyong pitak nakakakita ng kaginhawahan ng kalooban sa pagbabasa ng mga totoong pangyayari sa buhay na inilalahad ng inyong mambabasa at binibigyan naman ninyo ng kaukulang payo.
Ako nga pala si Shan Ronald Alcarpio, 29 years-old, ng Batangas, college graduate, mula sa isang simpleng pamilya at bunso sa tatlong magkakapatid.
Pinalaki po ako ng aking mga magulang na busog sa magagandang aral pero ewan ko nga ba kung bakit ako nagkaganito.
Hindi po ako likas na masama. Produkto lang po ako ng isang magulong mundo. Pagkatapos ng pag-aaral sa kolehiyo, nagkaroon ako ng magandang trabaho. Nagkaroon ako ng nobya, si Karen, na mahal na mahal ko.
Pero napasok ako sa masalimuot na buhay, natuto ng mga bisyo at maagang nakipaghalubilo sa mga taong may katungkulan na siyang nagpalakas ng aking loob na malulong sa paggawa ng karahasan.
Napagod na ang aking mga magulang sa pagpapayo sa akin at maging ang aking kasintahan.
At nang makaisip ako ng pagbabago, saka ako biglang idinawit sa hindi ko naman ginawang kaso na siyang naging daan sa aking pagkakakulong.
Wala akong nagawa. Malalakas at may kapangyarihan ang mga nag-akusa sa akin. Natanggap ko nang wala akong laban sa kanila.
Ang hindi ko matanggap, dahil sa pagkakakulong ko, nawala sa akin ang minamahal kong nobya.
Hindi ko malilimutan nang dumalaw siya sa akin sa piitan para mamaalam. Dadalhin na raw siya ng kanyang mga magulang sa kanilang lalawigan sa Bataan.
Hindi ako marunong umiyak pero napaluha ako sa pamamaalam na ito ni Karen. Saka ko ganap na natanto na hindi ko kayang mawala siya sa aking buhay.
Hanggang sa may nagbalita sa akin na nagpakasal na raw si Karen sa ibang lalaki. Wala na talaga ang aking mahal. Sa gitna ng kalungkutan, salamat na lamang at mayroon pa akong mga magulang na umaalo sa akin.
Sa ngayon po, muli akong nag-aaral dito sa loob ng kursong entrepreneurship na siyang inaasahan kong magagamit ko sa pagpapanibagong tatag sa sandaling makalaya na ako sa bilangguan.
Ipinangako ko rin sa sarili na sisikapin kong makabangon sa kinadapaan at na-realize ko lang na importante ang pagbabago nang mawala na sa akin ang aking si Karen.
Ang kahilingan ko lang Dr. Love, sana may makabasa ng liham kong ito at sana, lumiham sila sa akin para makipagkaibigan.
Sa isang panahong madilim ang tingin ko sa hinaharap, ang pakikipagpalitan ng liham sa mga bagong kakilala ang magsisilbi kong inspirasyon para ganap na makahulagpos sa anino ng aking kahapon.
Sana po, kapulutan ng magandang aral ng mga kabataan ang karanasang kong ito sa buhay. Huwag sana nila akong tularan.
Shan Ronald Alcarpio
4-D College Dorm,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Shan,
Salamat sa pagkakamulat mo sa katotohanang ang importansiya ng isang tao ay nabibigyang kahalagahan kapag ang taong ito na nagmahal din sa iyo nang tapat at umasa noon sa iyong pagbabago ay nawala na sa buhay mo.
Marahil ninais ng tadhana na mangyari sa iyo ang karanasan mo para mamulat ka sa katotohanang walang pagsisi sa una kundi sa huli.
Ang pangako mong pagbabago ay matiim mong ipangako hindi lang sa sarili kundi sa Diyos na siyang gaga bay sa iyo sa pagtahak sa mabuting landas.
Siya at wala nang iba ang tanging makapagpapatawad sa iyong mga pagkukulang at Siya ring nakakaalam kung anong magandang bukas ang naghihintay sa iyo sa hinaharap.
Good luck. Sana ay makatagpo ko ng mga tunay na kaibigan sa panulat.
Dr. Love
- Latest
- Trending