Dear Dr. Love,
Isa po ako sa masusugid ninyong tagasubaybay at sa tuwing nagbabasa ako ng pitak na ito, parang nababasa ko ang sarili kong problema.
Kaya naman naengganyo akong lumiham din sa inyo para ibahagi ang kuwento ng aking buhay at kung bakit ako napasok dito sa kulungan.
Noon pong 1998 ay may mag-ina na nakatira sa malapit sa aming tinitirhan. Tawagin na lang po natin silang Meliza at Mareng. Si Meliza po ay matalik kong kaibigan at nasasaktan ako tuwing kinagagalitan siya ng kanyang ina.
Tuwing papasok ako sa eskuwela sa umagang-umaga, pagdaan ko sa tapat ng kanilang bahay, lagi silang nag-aaway na mag-ina. Minabuti kong kausapin si Meliza kung ano talaga ang problema ng kanyang ina.
Ang sabi niya sa akin, pinipilit siya ng kanyang ina na maging pambayad-utang sa beer house para raw gumanda ang buhay nilang mag-ina.
Kaya raw ayaw niyang pumasok sa beer house, ibebenta lang siya ng may-ari nito sa mga costumer na dayuhan.
Minabuti kong tulungan si Meliza para hindi mapariwara ang kanyang buhay. Kinausap ko ang barkada at nangako silang tutulungan ako para mailigtas ang kaibigan ko sa masamang trabaho.
Alas-dos ng madaling-araw kami lumakad at tamang-tamang marami nang naglalabasang mga parukyano kasama ang ilalabas nilang mga babae sa beerhouse.
Noon din, itinakas namin si Meliza pero nahuli ako ng isang dayuhan na kasama sanang lalabas ni Meliza. Sa taranta, nabaril ko ang dayuhang ito. Mabilis akong itinakas ng aking barkada para hindi kami abutan ng mga pulis. Ang akala ko, ligtas na ako sa nagawa kong kasalanan.
Pero makalipas ang ilang araw, may mga kumatok na pulis sa aming bahay. Nang tanungin ng aking ina kung ano ang kailangan ng mga ito, sinabi nilang ako ang pakay nila dahil nakapatay ako ng tao.
Muli akong nataranta at sana, mamamaril uli ako pero maagap na nakapasok sa silid ko ang mga pulis kaya’t wala na akong magawa. Pinosasan nila ako at dinala sa piitan.
Taong 2000 ako nasampahan ng kasong homicide at pagkaraan ng matagal ding paglilitis, nahatulan ako ng pagkabilanggo nang mula 17 hanggang 24 na taon.
Dito ko po napagtanto ang bigat ng aking kasalanang nagawa. Dahil sa pagmamalasakit ko sa isang kaibigang ginawang pambayad-utang ng kanyang ina, ako naman ang nadisgrasya dahil naman sa kabilisan ng aking desisyon. Sa ngayon po, nagpapatuloy ako ng aking pag-aaral dito.
Sincerely yours,
Rocky Balindong
Dorm No. 6-C Bldg. 6,
Camp Sampaguita, Muntinlupa City
Dear Rocky,
Masyado kang mabilis magpasya at madaling mataranta.
Kung talagang nais mong makatulong sa iyong kaibigan, dapat mong dinaan ito sa legal na proseso.
Puwede namang hinimok mo ang iyong kaibigan na magpatulong sa barangay kundi man sa ibang awtoridad para mahikayat ang kanyang ina na huwag siyang piliting pumasok sa beerhouse lalo pa’t kung ang kaibigan mo ay wala pa sa tamang edad.
Mahirap ding panghimasukan ang usapin ng isang pamilya lalo na’t hindi mo naman sila kamag-anak kundi kapitbahay lang.
Ang kinahantungan mo nga ay kulungan dahil hindi mo naman alam ang prosesong legal o makatarungan.
Dahil sa awa mo sa isang kaibigang ginawang pambayad-utang ng kanyang ina, isinaksipisyo mo ang iyong kinabukasan. Nasaan na ngayon ang kaibigan mo?
Dr. Love