Ipinagkait na kaligayahan
Dear Dr. Love,
Una po sa lahat, masaganang pangungumusta sa inyo. Sana po, mabigyang-daan ninyo ang liham kong ito para magsilbing ehemplo sa marami ninyong mambabasa na ang gawang masama ay hindi kailanman nananaig at kukunsintihin ng Maykapal.
Ito po ang napatunayan ko sa tunay na naganap sa aking buhay at ganap kong pinagsisisihan.
Ako po si Francis Wagas, 35 years-old, isa sa mga inmates dito sa pambansang bilangguan.
Kung bakit ako nakulong, iyan po ang ilalahad ko sa sikat ninyong column at sana’y mabigyan ninyo ako ng kaukulang payo.
Noon pong hindi pa ako nabibilanggo, mayroon akong nobya at malapit na kaming ikasal. Kaya naman doble kayod ang ginagawa ko para may magastos sa aming kasal at sa pagsisimula sa buhay may asawa namin ni Gemma.
Habang nalalapit ang kasal namin ng nobya ko, ang akala ko, wala nang sagabal sa aming kaligayahan.
Ngunit minsang dumalaw ako sa tahanan nina Gemma, malungkot akong sinalubong ng kanyang kapatid na babae at sinabing nasa ospital daw ang mahal ko at kailangang maoperahan sa karamdaman.
Halos lumipad ako patungong pagamutan. Doon nga ay nakita ko ang nakaratay kong kasintahan.
Sinabi ng kanyang ina na nagbabantay sa kanya na kailangan ang malaking halaga ng salapi para makatawid sa panganib ang buhay ng aking si Gemma.
Litung-lito ang aking isip kung saan ako uutang. Tamang-tama naming nakita ko ang isang kaibigan at ipinagtapat ko sa kanya ang aking problema.
Niyaya niya akong sumama sa kanila ng gabing yaon at mayroon daw silang lakad na siyang makalulutas sa aking kinakailangang salapi.
Dumating nga ako sa aming tagpuan at dito ko nalaman na mayroon pala silang hoholdaping negosyante.
Uurong na sana ako pero napangunahan ako ng pagmamahal ko kay Gemma at sa aking pangakong magbibigay ako ng pera sa kanyang ina para pampaopera sa mahal ko.
Mabilis na naisakatuparan ang hold-up sa isang mayamang negosyante sa aming siyudad sa Davao. Ang parte ko sa operasyon, mahigit sa anim na daang libo na siyang makapagliligtas kay Gemma sa kanyang karamdaman.
Nagtungo kaagad ako sa ospital pero ang nakita ko ay ang malamig nang bangkay ng aking kasintahan. Huli na ang aking pagdating.
Hindi ko napigil ang pagluha. Wala na ang aking nobya na siyang dahilan kung bakit ako nakagawa ng masama.
Maluwalhating nailibing si Gemma at ang buong akala ko, ligtas na ako sa parusa sa ginawa kong kasalanan. Pero ang hindi ko alam, nahuli na pala ang iba kong kasama sa grupo at nainguso na ako na kabilang sa mga nanloob sa negosyante.
Sa ngayon, nakakulong ako at pinagbabayaran ang pagkakasalang nagawa.
Wala na si Gemma, kalaboso pa ako. Isa itong malaking pagkakamali na ngayon ay taimtim ko nang pinagsisisihan.
Salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito at sana, may magka-interes na makipagkaibigan sa akin sa panulat.
Gumagalang,
Francis Wagas
Dorm 2, MSC,Dapecol,
Davao del Norte 8105
Dear Francis,
Talagang walang gawang masama na maitatago sa mata ng Panginoon at ng batas.
Maaaring niloob ng Diyos na maaresto ka at ang iyong mga kasamahan para mapagsisihan ninyo ang ginawang pagkakasala at mabigyan din ng isa pang pagkakataon para magpakabuti ka.
Huwag mong sisihin ang Maykapal sa pagkamatay ng nobya mo dahil kung nabuhay man si Gemma, marahil hindi niya nanaisin na gamitin sa kanyang pagpapaopera ang salaping mula sa panloloob.
Maligaya na siya sa kinaroroonan niya ngayon at kung hindi man natuloy ang inyong kasal, ito ay isang pagsubok sa iyo ng Panginoon kung gaano mo siya kamahal.
Malungkot ka man ngayon dahil sa nangyari sa buhay mo, ito ay pansamantala lang at marahil pagkatapos ang ganap na pagsisisi at pagbabalik-loob mo sa Panginoon, ibayong kaligayahan naman ang iyong mararanasan.
Dr. Love
- Latest
- Trending