Nahuhulog ang loob sa hipag
Dear Dr. Love,
Isang magandang araw ang pagbati ko sa iyo at sa lahat ng mga regular na sumusubaybay sa iyong popular na kolum. May limang taon na akong avid reader ng Pilipino Star NGAYON at gusto kong malaman mo na paborito kong basahin ang iyong kolum.
Napakaraming gintong aral at gabay mula sa mga payo ang nakukuha ko kaya naman lagi ko itong binabasa araw-araw.
Hindi ko sukat akalain na isang araw, heto ako at humihingi rin ng iyong payo.
Ikubli mo na lang ako sa pangalang Rigor, 28-anyos at binata pa. For the first time in my life, isang pambihirang pangyayari ang naganap sa akin. Sasabihin ko na nang tapatan na umiibig ako sa aking hipag na asawa ng nakababata kong kapatid.
Isang drug addict ang aking kapatid at labas-masok sa piitan dahil napapa-trouble lagi. Kalbaryo ang dulot niya sa kanyang asawa at hindi na siya nakukuha sa pangaral.
Madalas, ako ang hingahan ng sama ng loob ng aking hipag na lagi pang sinasaktan ng utol ko. Awang-awa na ako sa aking sister-in-law at sa pakiramdam ko’y hindi lang awa kundi pagmamahal na ang nadarama ko sa kanya.
Hindi tama ang nadarama kong ito at iyan ay alam ko. Pero ako ang laging takbuhan ng hipag ko at hindi ako makaiwas. Tama bang magpakalayo ako para hindi kami mahulog sa tukso?
Rigor
Dear Rigor,
Ang maaari mong gawin ay iwasan mong magkasarilinan kayo ng iyong hipag bagama’t ang turing lang niya marahil sa iyo ay isang nakatatandang kapatid na dapat dulugan sa harap ng kanyang matinding problema.
Kung lumalapit siya sa iyo, siguruhin mong may iba kang kasambahay at huwag kayo lamang dahil posibleng mahulog kayo sa tukso at lalong lulubha ang problema sa inyong pamilya.
Mahirap kasi kung tuluyan kang lalayo dahil may problema ang kapatid mo na dapat lutasin at kasama ka sa paglutas ng problema.
Ang kapatid mong adik ay kadugo mo pa rin ano pa man siya at ang magandang gawin ay ipasok siya sa rehabilitation center upang matanggal ang kanyang bisyo. Kung buhay pa ang iyong mga magulang ay pananagutan nila iyan.
Kung hindi naman, tungkulin mo iyan bilang kuya. Kung may iba ka pang mga kapatid at kaanak, pagtulungan ninyong ituwid ang landas ng inyong kapatid na naliligaw ng landas.
Dr. Love
- Latest
- Trending