Dahil sa nakaw na bakal
Dear Dr. Love,
Ako po ay isa sa libu-libong masugid na tagasubaybay ng inyong column na Dr. Love.
Pero bago po ang lahat, nais ko kayong batiin ng mainit at masaganang pangungumusta. Sana po ay lagi kayong nasa mabuting kalagayan at kalusugan para marami pa kayong matulungan na katulad kong bilanggo sa pamamagitan ng mabubuti ninyong payo.
Hangad ko po na magtagal pa ang inyong column na ito para gumaan ang aming pakiramdam sa dinaranas na pangungulila sa loob ng kulungan.
Ako po si Ronie Soriano, 34 taong-gulang at nakapiit dito sa Camp Sampaguita.
Nag-umpisa po ang kalbaryo ng aaking buhay noong nasa malaya pa akong lipunan. Ako po ay may kaunting puhunan noon kung kaya’t nagtayo ako ng isang maliit na junk shop kasama ang aking pinakamamahal na kasintahan.
Bagaman hindi kami kasal, nagsama kami bilang tunay na mag-asawa. Napagkasunduan kasi naming dalawa na ipagpaliban muna ang pagpapakasal para bigyang-daan ang paglago ng aking munting negosyo.
Bukod dito ay mayroon pa akong pinag-aaral na nakababatang mga kapatid at naisip ko na mabuti munang makapundar ako at makapagpatayo ng sariling tahanan bago isakatuparan ang pagpapakasal namin ng aking live-in partner.
Isang araw, habang tumatao ako sa junk shop ay may nagbenta sa akin ng mga bakal. Hindi ko po alam na nakaw pala ang mga ito. Dito nag-umpisa ang aking paghihirap.
Ako po’y kinasuhan ng paglabag sa anti-fencing law kaya’t nahatulang mabilanggo. Minsan, tumanggap ako ng sulat mula sa isa kong kapatid at sinabing ang kaisa-isa kong minamahal na babae ay nag-asawa na at ang masakit pa nito, ibinenta niya ang kaunti kong naipundar na negosyo.
Parang binuhusan ako ng malamig na tubig sa impormasyong ito.
Nanlumo ako sa aking nabasa. Parang ayaw ko nang mabuhay sa nangyari sa akin.
Nabilanggo na ako sa kasalanang hindi ko sinadya, iniwan pa ako ng babaeng minahal ko nang lubos at inangkin pa niya ang aking munting negosyo.
Naglahong lahat ang mumunting pangarap ko sa buhay, ang makabuo ng isang simpleng pamilya at magkaroon ng maliit na pinagkikitaan.
Dahil sa nangyari, pati pag-aaral ng aking mga kapatid ay nahinto. Matanda na kasi ang aking mga magulang at wala na silang kakayahang itaguyod pa ang aking mga kapatid. Nadagdagan pa ito nang mamatay ang aking ina.
Hanggang ngayon ay masakit pa ang aking loob sa nangyaring ito.
Ipinagpapasa-Diyos ko na lang ang lahat na ito at sana, patnubayan Niya ako at bigyan ng lakas ng loob na matiis ang mga hamong ito sa aking buhay.
Nais ko pong mabigyan ninyo ako ng payo at nagpapasalamat po ako nang marami sa paglalathala ninyo ng liham kong ito.
Nais ko pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para magkaroon ako ng mga kapalitan ng ideya at karanasan.
Marami po akong mga kasamahan dito na nagnanais ding magkaroon ng pen pal. Isa na dito si Willy Ortiz, 30 taong-gulang at ang address niya ay Dorm 226, Bldg. 2 MSC Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776.
Marami pong salamat.
Ronnie Soriano
Dorm 139 Bldg. 1,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Ronnie,
Nagarimuhunan ka sa murang bakal. Ngayon, nakakulong ka dahil hindi mo muna inalam kung ang nagbenta sa iyo nito ay isang kawatan.
Nangyari na ang hindi mo inaasahan at hindi sinasadyang paglabag sa batas. Nagkaroon ka ba ng abogado na nagtanggol sa iyo sa kaso?
Ngayon, itong negosyo mo. Puwede mo pang habulin kung ang junk shop ay nasa iyong pangalan at ang pagkakabenta nito ay wala mong pahintulot.
Ikaw lang ba ang namuhunan dito o mayroong parte sa puhunan ang dati mong live-in partner?
Kung maghahabol ka, kailangang mayroon kang matibay na katibayang sa iyo ang negosyo. Mayroon ka bang mga papeles?
Puwede sigurong humingi ang iyong pamilya ng payo sa abogado para maidemanda ang nobya mo.
Sinolo niya ang kita sa junk shop at hindi ka man lang nakunsulta nang ibinenta niya ito.
Hangad ng pitak na ito na matupad ang hangarin mong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Magpakabuti ka sa piitan. Sikapin mong mapaunlad ang sarili para matuto ka ng ibang mapagkikitaan sa sandaling makalabas ka na sa piitan.
Huwag kang mawawalan ng tiwala sa Diyos. Gagabayan ka Niya para makabangong muli sa sinapit na mapait na kapalaran.
Dr. Love
- Latest
- Trending