Huwag magpaiwan sa huling biyahe

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Camille, isang sekretarya sa isang banko sa Makati. Medyo matandang dalaga na ako sa edad na 36 pero hindi sa pagbubuhat ng bangko, maganda at marami pa rin akong manliligaw.

Gusto ko rin namang mag-asawa at magkaroon ng maraming anak at hindi ko intensiyong maging old maid. Marahil, umabot ako sa ganitong edad na isa pa ring dalaga dahil pihikan ako sa lalaki. Kapag may nakita akong hindi maganda sa lalaki ay agad akong nawawalan ng gana. Dalawang beses pa lang ako nagkaroon ng boyfriend pero hindi nagtagal dahil sa nakita kong kapintasan nila. Kinakantyawan nga ako ng mga kaibigan ko dahil sa sobra kong pagiging metikulosa. Baka raw ako maiwanan ng biyahe.

Kahit ngayon ay maraming nanliligaw sa akin. Pati nga ang boss ko ay nanliligaw sa akin at aaminin kong parang may nadarama ako para sa kanya pero kailangan ko pang ma-confirm ang aking sarili.

Binata naman siya pero napakabata, 27-anyos lang. Pero mature naman ang kanyang pananaw sa buhay at maginoo. Kaya lang natatakot ako na baka kapag lumipas ang panahon ay magmukha na akong sobrang tanda sa kanya at ipagpapalit niya ako.

Dapat ko bang tanggapin ang panliligaw niya?

Camille

Dear Camille,

Sa modernong panahon, pangkaraniwan na lang yung mga babaeng nakapag-aasawa ng mas bata sa kanila. Isang example si Kris Aquino at James Yap. Tulad ng kasabihan, “age doesn’t matter.” Totoo iyan basta’t tapat ang pag-ibig sa isa’t isa ng magkasintahan.

Pag-aralan mong mabuti ang iyong damdamin sa iyong boss na nanliligaw sa iyo. Kung mahal mo siyang tunay, hindi ka dapat mag-atubili. Hindi ka rin dapat mag-worry na baka ipagpalit ka niya pagdating ng araw dahil ang pag-ibig ay laging may lakip na pagtitiwala.

Kaya mag-isip-isip ka rin. Kung desire ng puso mo na mag-asawa at magkapamilya, ngayon pa lang ay gawin mo na at baka mapag-iwanan ka ng last trip.

Dr. Love

Show comments