Himutok ng isang DH
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang po akong Lady, 37-anyos, isa pong domestic helper dito sa Hong Kong na ang tanging libangan kung may pagkakataon ay ang magbasa ng Pilipino Star NGAYON.
Nais ko rin pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat at sana, bigyan po ninyo ako ng matapat na kasagutan sa mga katanungan ko.
Ako po ay hiwalay sa asawa may 12 taon na ang nakalilipas. Babae at lalaki po ang mga anak ko na dalaga at binata na.
Marami nang pagsubok at mga hamon sa buhay ang aking kinaharap lalo na nang iwanan ako ng aking asawa. Sinarili ko na mula noon ang mga responsibilidad bilang ama at ina ng aking mga anak. Ginawa ko po ang lahat, halos gumapang ako sa hirap para mabuhay kami nang marangal ng aking mga anak.
Kaya hindi ko namalayan ang paglipas ng panahon sa dami ng aking problema.
Sa ngayon, nalilito ako at nalulungkot lalo na at napag-uukulan ko ng pansin ang aking sarili. Hindi ko alam ang tamang kasagutan sa aking maraming katanungan sa sarili.
Please, turuan mo ako at tulungan. May ganda bang idudulot ang pakikipagkaibigan? Nais ko po sanang makipagsulatan kung may interesadong makipagkaibigan sa akin sa panulat.
Maraming-maraming salamat po at more power to you. May our good Lord shower you with all the graces that He has.
Sincerely,
Ms. Lady DC
No. 35 11 Block 17-A,
BHM Braemar Hill,
North Point, Hong Kong
Dear Ms. Lady,
Huwag mong pababayaan ang iyong sarili porke hiwalay ka sa asawa.
Sikapin mong mapanatili ang iyong magagandang assets bilang isang babae. Kahit na binata at dalaga na ang iyong mga anak, kailangang mag-ayos ka pa rin ng iyong katawan hindi lang para sa panlabas mong kaanyuan kundi para sa maganda mong disposisyon sa buhay.
Walang masama kung mag-ayos ka ng sarili at huwag mo nang pansinin ang sasabihin ng iba na nag-aayos ka para maghanap ng manliligaw.
Mabuti rin ang pakikipagkaibigan para lumawak ang pananaw mo sa buhay. Makapagpapawala rin ito ng pagkabagot at magkakaroon ka ng ibayong inspirasyon para lalo pang magsikap sa pagpapabuti ng iyong buhay.
Malilimutan mo rin ang mga kasawian mong dinanas sa buhay at ang masakit na karanasan nang iwanan ka ng iyong asawa.
Malay mo, sa mga bago mong magiging kaibigan, makatagpo ka ng isang iibigin na magmamahal sa iyo nang tapat.
Dr. Love
- Latest
- Trending