Dear Dr. Love,
Kabilang po ako sa libu-libong tagasubaybay sa maganda ninyong pitak. Dahil nga sa palagi akong nagbabasa ng inyong column, naengganyo rin akong sumulat sa inyo para mailahad naman ang kuwento ng aking buhay at kung bakit ako nasadlak dito sa bilangguan.
Hindi ko malilimutan ang pangyayaring yaon sa buhay ko at anumang pagsisisi ang gawin ko sa aking sarili, hindi ko na maibalik sa dati ang kalagayan ko.
Bago ako nabilanggo, masasabing masaya naman ang buhay ko. Bagaman ang aking pamilya ay simple lang ang pamumuhay, hindi naman kami nagkukulang.
Pito kaming magkakapatid at ako ang bunso. Kahit hindi mayaman, spoiled ako sa pamilya namin. Pinapag-aral ako ng nakatatanda naming kapatid ng dalawang taong kursong bokasyonal (electronics) sa isang private school sa probinsiya namin.
Palibhasa nga ay bunso, naging pasaway ako at wala akong pinakikinggang payo ng aking mga magulang. Sa edad pa lang na 13, kung anu-ano nang bisyo ang alam ko.
Kahit matigas ang aking ulo, hindi nagsasawa ang aking mga magulang na magpagunita sa akin na hintuan ko na ang masasamang gawi.
Pero ang lagi kong sagot sa kanila ay kaya ko ang aking sarili. Hulyo 2003 noon. Nagpaalam ako sa aking mga magulang na may dadaluhang birthday party ng aking kaibigan.
Hindi nila ako pinayagan dahil baka raw ako ma pasok na naman sa basag-ulo. Pero gaya nang dati, hindi ko sila pinakinggan. Sinuway ko ang aking ina.
Hapon noon at nang dumating ako sa party, hindi ko akalain na mapagtitripan ako ng dalawang kainuman. Masama ang kanilang tangka sa buhay ko. Pero hindi ko gustong magpauna sa kanila.
Nakadampot ako ng kutsilyo at isinaksak ko ito sa isa sa nagkakursunada sa akin. Hindi naman grabe ang tama pero dahilan ito para magsipagtakbuhan ang iba pang pag-iinuman at gayundin ako.
Nang makauwi na ako sa bahay, maya-maya ay dumating ang barangay captain na may kasamang mga pulis. Nakasugat daw ako at dinala sa pagamutan ang biktima.
Sumama naman ako nang mahinusay sa kanila. Sinampahan ako ng demanda at heto nga ngayon, nahatulang makulong sa salang frustrated murder. May kaya sa buhay ang kalaban ko at hindi ako nakakuha ng mahusay na abogado.
Sa ngayon, tuwing dinadalaw ako ng aking mga magulang dito sa kulungan, lagi nila akong sinisisi sa nangyari. Naisip ko, tama ang mga pagunita ng aking mga magulang. Naging matigas kasi ang aking ulo. Ang akala ko, lagi akong pagbibigyan ng pagkakataon.
Huli na nang matanto ko na ako lahat ang may ka salanan sa malungkot kong kalagayan sa buhay ngayon.
Sana po, kapulutan ito ng magandang aral sa ating kabataan at hangad ko na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Marlo Mata
I-D College Dorm,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Mario,
Talagang ang matigas ang ulo ay nadadawit lagi sa basag-ulo.
Mabuti naman at inaamin mo ang iyong pagkakasala. Pagbutihin mo na lang ang pag-aaral mo diyan sa loob.
Ang pagiging bunso ay hindi lisensiya para ka magwala sa buhay.
Hindi rin ito lisensiya para hindi makinig sa mga magulang at magkaroon ng maraming bisyo.
Kung ang akala mo ay sikat ka dahil naunahan mo ang nagkakursunada sa iyo, siguro, hindi mo matanggap ngayon na sikat ka diyan sa loob ng piitan.
Magpakabuti ka na para sa paglaya mo, maipakita mo sa iyong pamilya na nagbago ka na.
Good luck sa iyo at hangad ng pitak na ito ang maaga mong paglaya.
Dr. Love