Dear Dr. Love,
Binabati ko po kayo at ang inyong mga kasamahan ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong taon. (huli man at magaling, naihahabol din.)
Tawagin na lamang ninyo akong Lola Aning, 69-anyos. Dahil sa malulungkot na sulat ninyo mula sa mga bilanggo sa Muntinlupa, naisipan kong makipagkaibigan sa isa sa kanila na hanggang ngayon ay nagdurusa sa loob ng piitan.
Ang nakapagtataka ay pinagdusahan na niya ang sentensiyang walong taong pagkabilanggo na dapat ay tapos na noon pang Abril 2008.
Sa kulungan pa rin siya nag-Pasko at Bagong Taon. Napansin ko na karamihan sa mga sumusulat sa inyo ay mahihirap at hindi mataas ang pinag-aralan at natagpuan na lang ang sarili sa loob ng madilim na selda. Sabi ninyo ay may mga abogadong libre at hindi sumisingil. Saan po sila makokontak?
Upang makatulong sa aking kaibigang preso, kumontak ako sa Department of Justice noong Hulyo 2008 at nasabi ko na dapat na siyang lumaya noon pang Abril 20, 2008. Tumanggap ako ng kopya ng referral sa Board of Pardon and Parole. Buhat sa tanggapan ito ay tumanggap din ako ng referral para sa Director of Prisons at hinihingi ang prisons record ng kaibigan ko.
Ngunit Oktubre na ay wala pa ring balita kaya inulit ko ang sulat sa Department of Justice at naulit na naman ang mga referrals.
Kahit ang kaibigan kong bilanggo ay lumapit na kung kani-kanino pero wala pang nangyayari hanggang ngayon. Sana’y matulungan ninyo ako.
Lola Aning
Dear Lola Aning,
Sadyang nakalulungkot na sa pamahalaang ito, marami tayong mga kababayang maralita na napagkakaitan ng serbisyo at katarungan.
Baka maaari po kayong tumawag sa aming opisina at ibigay ang ilang mga detalye tungkol sa inyong kaibigan na nakakulong pa rin kahit tapos na ang kanyang sentensiya. Hindi po kami nangangako pero gagawin po namin ang aming makakaya para matulungan siya.
Puwede rin kayong dumulog sa mga investigative television programs ng GMA-7 o ABS-CBN na magiging interesado sa kaso ng kaibigan n’yo. Ang mga programang ito ang puwedeng kumalampag sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para gumising at gampanan ang kanilang tungkulin.
Kasama ninyo ako sa panalangin na sana ay lumaya na ang kaibigan ninyo. Marami rin pong salamat sa pagtangkilik ninyo sa aming pahayagan.
Dr. Love