^

Dr. Love

Nagbayad ng utang

-

Dear Dr. Love,

Bago po ang lahat, bayaan ninyong batiin ko muna kayo ng masaganang pangungumusta kasama na ang lahat na bumubuo ng pahayagang Pilipino Star NGAYON.

Ako po ay tubong Romblon at kasalukuyang nakapiit dito sa pambansang bilangguan sa Muntinlupa.

Nahatulan po ako sa salang pagpatay sa pagtatanggol ko sa babaeng pinakamamahal ko sa buhay.

Hindi naman po nasayang ang pagsasakripisyo ko dahil ang babaeng ipinagtanggol ko ay napatunayan ko namang mahal niya ako.

Katunayan nga, nagbunga ng isang anghel ang aming pagmamahalan.

Kaya sa kabila ng pagkakapiit ko, tumatag ang aking kalooban dahil nariyan sa piling ko ang babaeng pinaglaanan ko ng wagas na pagmamahal.

Pero lumipas ang mga araw at nagbago ang ihip ng hangin.

Hindi na dumadalaw ang mahal kong “asawa”. Nabalitaan ko na lang na may iba na siyang kinakasama.

Masakit na masakit ang loob ko. Siya pa naman ang inaasahan ko na patuloy na gagabay at dadamay sa akin sa tila’y patay na buhay ko sa loob ng kulungan.

Subali’t kailangan kong tanggapin na siya ay hindi para sa akin. Kahit na nahihirapan pa ako sa ngayon, bakit kaya siya pa rin ang laman ng isip ko?

Dahil ho sa pangyayaring ito, tila nawawalan na ako ng tiwala sa aking sarili. Ang pakikitungo ba niya sa akin noong una ay isa lang pagbabayad ng utang na loob sa akin?

May babae pa kayang magmamahal sa akin kahit ako ay isang binatang-ama at isang bilanggo?

Sana rin po, matulungan ninyo akong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Sa pagsisikap kong makalimot, nagpapatuloy ako ngayon ng pag-aaral dito sa loob para maiangat ko ang aking kaalaman.

Sa ngayon, ako po ay 29 taong-gulang at umaasang balang araw, malalampasan ko ang lahat na pagsubok na dumarating sa aking buhay.

Gumagalang,

Warren Delfin

4-D College Dorm,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

Dear Warren,

Talagang mahirap tanggapin ang katotohanan na nagmamaliw ang isang pag-ibig lalo na nga’t tila ito ay isa lang pagbabayad ng utang o pagkilala ng utang na loob sa ginawa mong pagtatanggol sa kanya.

Pero huwag mo nang pakaabain ang sarili sa pamamagitan ng pag-uusisa sa sarili kung saan ka nagkamali at nagawa kang talikuran ng babaeng minahal mo nang labis na ang pagkakakulong mo sa ngayon ay bunga ng pagtatanggol mo sa kanya.

Ituring mo na lang na isang masamang panaginip ang nangyaring ito sa iyong buhay. At marahil mula sa karanasang ito, may natutuhan kang magandang leksiyon.

Sana rin, ang naging karanasan mo sa pag-ibig ay hindi maging daan para mawalan ka na ng tiwala sa lahat na kabaro ng dati mong nobya.

Ang pag-ibig ay isang pakikipagsapalaran. Ang isang katipan ay hindi laging inaasahang siyang magiging kabiyak ng puso at magsasama kayo nang matagal na panahon.

May panahong naluluoy din ang pag-ibig lalo na at hindi naaalagaan.

At naging mahina lang sa unos ang dati mong katipan. Kaya siya narahuyong sumama sa iba at ikaw ay talikuran.

Dr. Love

AKO

D COLLEGE DORM

DR. LOVE

ISANG

KAYA

MUNTINLUPA

PERO

PILIPINO STAR

SANA

WARREN DELFIN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with