Dear Dr. Love,
Masaganang pangungumusta po sa inyo. Sana po, ang bagong taong ito ay puno ng magagandang pangyayari hindi lang sa ating bansa kundi maging sa lahat na Pilipino na umaasang magiging mapayapa at maunlad ang ating pinakamamahal na bayan.
Para sa isang tulad kong bilanggo, ang dalangin ko po, sana, mapaaga ang aming paglaya para naman makabalik na kami sa malayang lipunan.
Tawagin na lang po ninyo akong Albert Alcantara, tubong Maynila. Ako po ay umibig nang tapat at wagas sa isang babae na siyang naging dahilan ng pagdurusa ko dito sa pambansang bilangguan.
Noong hindi pa ako nakukulong, pinagsabihan ako ng matalik kong kaibigan na huwag akong masyadong magtitiwala sa nobya ko dahil niloloko lang niya ako.
Hindi ko mapaniwalaan ang pagunita ng aking kaibigan dahil mahal namin ang isa’t isa. Maganda ang takbo ng aming relasyon at wala akong kaduda-duda na oonsehin lang ako ng girlfriend ko. Naghahanda na kasi kami na magpakasal.
Taong 2003, bumisita ako sa katipan ko sa kanilang tahanan. Hindi ko inaasahan na may madadatnan akong isang lalaki na madali namang ipinakilala ng siyota ko na kanya raw pinsan.
Sumapit ang pista sa lugar ng aking nobya at biglaan ang dating ko sa kanilang bahay. Gusto ko kasi siyang sorpresahin.
Laking gulat ko nang pumasok sa kanilang tahanan at madatnan ko ang aking siyota at ang ipinakilala niyang pinsan na magkayakap at naghahalikan.
Nagdilim ang aking paningin. Nagsikip ang aking dibdib at naging blangko ang aking isipan. Hindi ko naisip kung ang gagawin ko ay tama o mali.
Dahil sa nagpupuyos na galit sa aking dibdib, nasaksak ko ang lalaking pinsan umano ng aking nobya.
Malalim ang tama ng saksak at kaagad na namatay ang pinsan daw ng siyota ko.
Ang masaklap pa nito, ang nobyang pinakamamahal ko, nirerespeto at halos iluklok sa pedestal ang siya pang tumestigo laban sa akin.
Iyan po ang masaklap kong karanasan sa pag-ibig. Hindi ko akalain na ang babaeng sinamba ko at minahal nang labis ang siyang naging dahilan ng aking pagkabilanggo.
Ayaw ko na sanang maniwala pa sa mga babae. Pero heto ako, nakikiusap sa inyo na sana’y magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat para malayo sa isip ang hindi kanais-nais na karanasang sinapit ko.
Hanggang dito na lang po at sana, naibigan ninyo ang kasaysayan ng aking pag-ibig na siyang naging mitsa ng aking pagkabilanggo.
Gumagalang,
Albert Alcantara
Cell 225 Bldg. 2,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Albert,
Masyadong mabilis ang iyong naging aksiyon. Masyado kang nagpadala sa emosyon.
Sa pag-ibig, hindi mo itinataya ang lahat. May sarili kang reserbasyon para sa sarili mo. Para sa ganoon, hindi ka masisiphayo kung hindi naging tapat sa iyo ang nobya mo.
Hindi mo pa kabiyak ng puso ang babaeng yaon na siya pang nagdiin sa iyo para ka makulong.
Sa uulitin, may leksiyon ka na. Huwag sobrang pagmamahal ang ibibigay mo sa babaeng hindi mo pa naman asawa.
Kung magkaroon ka uli ng nobya, mahalin mo pero hindi sagad-sagad at huwag kang masyadong padadala sa selos.
Kaya ka nakulong ay dahil inilagay mo sa iyong mga kamay ang batas.
Kung tiniklo mo lang sa akto ang nobya mo, wala ka sa kulungan.
Bago ka gumawa ng anumang hakbang, pakaisipin mo ng ilang ulit bago ka makasakit ng kapwa.
Alalahanin mo, hindi maganda at hindi tama na pumatay ka ng tao dahil nadehado ka sa pag-ibig.
Ang Panginoon lang ang may karapatang bumawi ng pahiram Niyang buhay.
Sana napagsisihan mo na ang pagkakasala mo at huwag kang makakalimot sa pagtawag sa Diyos na siyang gagabay sa iyo sa lahat na pagkakataon.
Dr. Love