Dear Dr. Love,
Bumabati ako sa iyo ng Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon. Sana’y sumaiyo ang pagpapala ng Diyos at sa lahat ng nagbabasa ng iyong kolum. Umaasa ako na maitatampok mo ang aking love story sa malaganap mong kolum.
Tawagin mo na lang akong Ben, isang biyudo. May dalawang taon nang yumao ang aking misis at ang mga anak ko’y may asawa nang lahat.
Dahil lalaki lang ako at 50-anyos pa lang, nakadarama rin ako ng lungkot madalas lalo pa’t nagsosolo ako sa bahay.
Ako lang at ang aking housemaid ang kasama ko sa bahay. May itsura naman siya kahit malapit nang mag-kuwarenta anyos. Tawagin mo na lang siyang Inday.
Siguro’y hindi pag-ibig ang nadarama ko para sa kanya kundi kamunduhan lang. Nang minsang magparamdam ako sa kanya ay hindi naman siya pumalag at kami ay nagtalik.
Naulit pa iyon nang kung ilang beses. Ngayon ay nababahala ko dahil sa palagay ko’y naglilihi siya.
Tinatanong niya ako kung handa ko raw siyang pakasalan. Hindi ko alam ang isasagot ko kaya nasabi kong oo.
Ngunit nagdadalawang-isip ako. Hindi ko naman siya mahal talaga kundi ako’y nangungulila lamang kaya ko nagawang magkarelasyon sa kanya.
Pero iniisip ko rin na bakit hindi ko siya pakasalan. Tutal, maasikaso naman siya at masipag. May edad na rin ako at siguro’y kaya ko siyang pag-aralang mahalin.
Tulungan mo akong magpasya, Dr. Love.
Ben
Dear Ben,
Ben, ikaw lang ang makakapagdesisyon niyan. Tama ka. Sa edad mong 50 ngayon, makakagawa ka na dapat ng wastong pagpapasya. Kung sa iyong akala’y puwede mo siyang matutuhang mahalin, sige, give it a try.
Wala namang hadlang dahil isa kang biyudo and I can only presume, bagama’t hindi mo nasabi, na dalaga pa si Inday. Kung hindi naman ay kalimutan mo na lang siya.
Go for it, Ben. Kung iyan ang ikaliligaya mo, may karapatan kang lumigaya.
Dr. Love