Dear Dr. Love,
Nagpapasalamat ako at may isang kolum na katulad ng Dr. Love para sa mga may problema sa puso. Matagal na rin po akong nagbabasa ng kolum ninyo at ngayon lang ako nagpasyang lumiham dahil sa isang problema.
Tawagin n’yo na lang akong Alma, 25-anyos at may kasintahan. Pero nagkagalit kami dahil masyado siyang Mama’s boy.
Naipakilala na rin niya ako sa kanyang ina at ama at walang tutol ang mga magulang niya sa aming relasyon.
Solong anak ang boyfriend ko at bata siya ng isang taon sa akin. Pero nagustuhan ko siya dahil mabait at mature ang pananaw. Yung nga lang, masunurin masyado sa ina.
Ngayong nagbabalak kaming pakasal, gusto ng nanay niya na doon kami tumira sa kanila at ayaw kaming bumukod.
Ayaw ko ang ganoon dahil mawawalan kami ng diskarte sa sarili naming buhay. Kung tutuusin, malaki naman ang pinagsamang income namin ng boyfriend ko at kaya naming mangupahan ng apartment o magpatayo ng low-cost housing.
Natatakot kasi ako Dr. Love na baka ang biyenan ko pa ang maging mahigpit kong karibal.
Ano ang dapat kong gawin?
Alma
Dear Alma,
Tama ka. Sinasabi sa Salita ng Diyos na ang mag-asawa ay dapat humiwalay sa mga magulang upang magsama bilang iisang laman.
Kumbinsihin mong mabuti ang iyong boyfriend na bumukod kayo kapag kayo’y kasal na. Totoong may disadvantage kapag ang mag-asawa ay nakikipisan sa mga magulang.
Mag-usap kayong maigi ng boyfriend mo. Wala naman siyang sagutin sa batas ng tao o ng Diyos kung susuway siya sa gusto ng kanyang mga magulang porke nasa tamang gulang na siya. Kapag ang anak ay nasa wastong gulang na, ang tungkulin lang ng mga magulang ay magpayo at ang huling desisyon ay nasa anak.
Marahil, makukumbinsi ng iyong boyfriend ang kanyang ina kung sasabihin niyang ibig niyang mabuhay nang responsable at nakapag-iisa at mangangakong madalas na dadalaw sa kanila.
Bigyan mo siya ng sapat na panahong mag-reconsider at kung ayaw pa rin niya, ikaw na ang magdesisyon.
Dr. Love