Dearest Dr. Love,
Una sa lahat ay nagpupugay ako at bumabati sa iyo at sa mga nagbabasa ng iyong malaganap na kolum. Just call me Flora, 23 years-old at isa lang hamak na factory worker. Mahirap lang kami at ako ang nagtataguyod sa aking mga magulang na matatanda at mahihina na at ang aking dalawang kapatid na ang isa’y 24-anyos at ang isa’y 19-anyos.
Talagang kulang ang kinikita ko bilang factory worker. By contract pa ako at tuwing anim na buwan ay natatanggal sa trabaho at muli na lang pinapipirma ng kontrata.
Mabuti na lang at sa pagsisinop ko ay nagkaroon kami ng maliit na tindahan. Nagtitinda ako ng kung anu-anong grocery items at lugaw. Kumikita naman ako ng P300 labas na ang puhunan.
May boyfriend ako pero kaparis ko rin siyang isang kahig isang tuka.
Sabi niya sa akin ay puwede naming pagtulungan ang aming kabuhayan kung magpapakasal kami. Pero natatakot ako baka lalo akong hindi na makatulong sa aking pamilya lalo na kapag nagkaanak na kami.
Ano ang maipapayo mo sa akin?
Flora
Dear Flora,
May dahilan ka para matakot mag-asawa lalo pa’t ikaw na lang ang inaasahan ng iyong pamilya.
Pero may karapatan ka rin namang bumuo ng sariling pamilya. Hindi mo nasabi kung ang mga kapatid mo’y nag-aaral o nagtatrabaho o kaya’y umaasa na lang sa iyo.
Kung pinag-aaral mo sila, talagang mabigat iyan. Pero kung sila’y nakatengga lang maghapon at walang trabaho, unfair na sa iyo iyan.
Kung mahal mo ang iyong kasintahan at mayroon naman siyang plano kung paano kayo mabubuhay, pag-isipan mo ito. Kailangan mo ring planuhin ang kinabukasan mo.
Himukin mo rin ang iyong mga kapatid na nasa edad na magbanat din ng buto at huwag lang umasa sa iyo dahil mayroon ka rin namang sariling buhay na dapat intindihin.
Dr. Love