Dear Dr. Love,
Una po, isang mataos na pagbati sa inyo at sa iba pang staffers ng Pilipino Star NGAYON. Nawa’y patuloy na mamayagpag ang pitak ninyong Dr. Love para patuloy kayong makatulong sa maraming taong tulad ko na naging bahagi na ng inyong pitak.
Ako po si Eddie Agaton, tubong Batangas City, isinilang noong Marso 23, 1972. Bagaman mula ako sa isang simple at mahirap na pamilya, hindi ko naiwasang humabi ng mumunting pangarap sa buhay: Ang magkaroon ng pamilyang masaya at magkaroon ng dalawa hanggang tatlong anak.
Kaya ang pag-asa kong maabot ang mumunting pangarap na ito ay makatapos sana ng pag-aaral para makaahon sa hirap.
Pero ang planong ito ay hindi na natuloy dahil sa huminto na ako ng pag-aaral noong nasa Grade 5 pa lamang. Dahil sa awa ko sa aking mga magulang, nagpasya na lang akong huminto at tulungan sila sa paghahanap-buhay.
Sa kabila ng murang gulang, kinaya ko ang mahihirap na gawain para makatulong sa pamilya.
Pero nang magsimula na akong magbinata, hinanap ng katawan ko ang buhay na tinatamasa ng iba kong kasamahan. Kaya natuto akong magliwaliw kasama ng aking mga barkada.
Hanggang sa natuto akong umibig sa isang babae na nakilala ko sa isang mall. Natukso kaming pumalaot sa tawag ng kasiyahang seksuwal. At nagdalang-tao ang aking nobya.
Hindi ko alam na mula pala sa isang may sinasabing pamilya si Lilie. Sa kabila noong, nanindigan siya at hindi siya napigil ng kanyang mga magulang na makisama sa akin.
Pagkaraan ng isang taon, nagsilang siya ng isang malusog na sanggol na lalaki. Nagpasya kaming magpakasal.
Tinalikdan ko na ang buhay barkada at nagpasya akong magpakatino na at ang naging gabay ko ay ang aking mag-ina.
Minsang pauwi na ako sa aming bahay mula sa trabaho, hindi ko inaasahang madatnan ko sa bahay ang isang eksena. Ang babaeng mahal ko ay tinatangkang gahasain ng isa niyang pinsan.
Sa laki ng galit at pagkabigla sa pangyayaring ito, naundayan ko ng saksak ang lalaking yaon at nagtamo siya ng maraming tama sa katawan.
Sumuko ako sa maykapangyarihan at nakulong para bigyang hustisya ang pagkamatay ng taong yaon na gumawa ng hindi maganda sa aking asawa.
Noong una ay dinadalaw pa ako ng aking asawa sa piitan pero nang kalaunan, tila nanghinawa na siya hanggang minsan, nagtapat siya sa akin na mayroon na siyang ibang kinakasama.
Ang sakit ng katotohanang ito. Wala akong magawa. Nasa kulungan ako.
Hanggang sa wala na akong nabalitaan sa kanya at sa aming anak.
Sa ngayon, nangangapa uli ako sa dilim. Kay sakit ng pangyayaring naganap sa aking buhay.
Ang tanong ko po lang, mayroon pa kaya akong pagkakataong makaahon sa kinasadlakan kong piitan? May iba pa bang babaeng magtitiwala sa akin sa pangyayaring naganap?
Payuhan po ninyo ako at sana, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat para makatighaw sa aking kalungkutan dito sa kulungan.
Gumagalang,
Eddie Agaton
YRC Bldg., Student Dorm,
Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776
Dear Eddie,
Huwag kang mawawalan ng pag-asa sa buhay. Habang may buhay, hindi ka dapat tumigil sa paghabi ng mumunting pangarap sa buhay na siyang magsisilbing gabay mo sa buhay para magsikap na makarating sa patutunguhan.
Noong una, ang hangad mo ay makapagpatuloy ng pag-aaral. Pero kahit na nariyan ka sa kulungan, nagawa mong makapag-aral para maihanda ang sarili sa mga hamon ng buhay at sa pagsalunga sa mga daluyong sa sandaling makalabas ka na sa piitan.
Hindi ka nag-iisa. Iniwan ka man ng iyong asawa, kung tatawag ka lang sa Diyos, madarama mong mayroong gumagabay sa iyo sa tamang direksiyon.
Ituloy mo ang pag-aaral kahit na mayroong mga sagabal. Huwag ka ring bibitiw sa ating Panginoon at manatili sana ang tiwala mo sa Kanya.
Hindi ka Niya pababayaan. Maging tapat ka lang sa paghingi sa Kanya ng kapatawaran sa pagkakasala.
Dalangin ng pitak na ito na matupad ang pagnanais mong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Dr. Love