Mangmang sa batas

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo at sa lahat ng mga bumubuo ng inyong malaganap na pahayagan.

Lumiham po ako dahil nais kong maibahagi ang aking masaklap na karanasan sa buhay. Isang kasaysayan sa aking buhay na ayaw ko na sanang mabuksan pa at gunitain pero napilitan akong sari­wain itong muli para naman maunawaan at mabuk­san ang isip ng mga taong mabilis humusga at walang alam sa tunay na dahilan kung bakit ako ay narito ngayon sa likod ng rehas na bakal.

Masakit mang aminin, nakulong po ako dahil sa kamangmangan ko sa batas. Sa kabila ng kahirapan, nag-ambisyon ako na magkaroon ng sasakyan para naman may magamit ang aking pamilya sa aming pupuntahang mga lugar.

Naganyak akong bumili ng sasakyan na mura sa ambisyong ito. Ni hindi ko alam na ang nabili ko palang sasakyan ay nakaw.

Nasampahan ako ng kasong carnapping. Kaya heto ako ngayon, nakabilanggo.

Ang masakit pa nito, ilang    buwan pa lang akong nakapiit, ang mahal kong asawa ay nagtampisaw na sa nakaw na pag-ibig hanggang sa tuluyan nang sumama sa kanyang kalaguyo.

Nagkamali ako. Pero ang perang ipinambili ko sa inambisyon kong sasakyan ay mula sa aking pinagpawisan. Nawalan na ako ng pera, nahila pa ang sasakyan at nawalan pa ako ng asawa.

Ang akala ko noon, hindi ko na matatagalan ang pagsubok na ito ng tadhana. Pero nasa matino pa akong pag-iisip. Pilit kong nilalakasan ang aking loob at ngayon ay nag-aaral ako dito sa loob ng kulungan at nasa second year sa kursong Commerce   sa ngayon.

Dahil sa pangyayaring ito, nilayuan na ako ng aking mga kaibigan at kakilala. Napakalungkot pala nang walang karamay sa ganitong pagdurusa.

Sana po, matulungan ninyo ako na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para may inspirasyon ako at mga kahingahan ng loob habang nasa madilim na kulungan.

Maraming salamat po at more power to you.

Sincerely,

Benjamin Domingo, Jr.

University of Perpetual Help System

Dalta, Medium Security Compound

Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776

 

Dear Benjamin,

Maraming salamat sa liham mo at sana’y huwag kang mawawalan ng tiwala sa Maykapal.   Sa kabila ng nangyaring ito sa buhay mo, mananatiling buhay ang iyong pag-asa na makakabawi ka rin at malilinis ang nadungisan mong pangalan.

Gayunman, maaari ngang matagalan ito pero huwag kang padadala sa inip. Sikapin mong mapaunlad ang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral nang malaman mo ang iyong mga karapatan at hindi manatiling mangmang sa batas.

Sa ilalim ng batas o anti-fencing law, hindi lang ang nagnakaw ang mapaparusahan kundi maging ang bumili ng mga nakaw na bagay.

Sa pagbili ng sasakyan, dapat ay inaalam mula sa Land Transportation Office kung ang binibiling sasak­yan ay nakaw o hindi.

Kaya ang numero ng engine at iba pang piyesa ng sasakyan ay ipinabeberipika sa mga awtoridad para makaiwas sa paglabag sa batas.

Anyway, nangyari na ang hindi inaasahan.

Hinggil sa asawa momg naglaro ng apoy, ha­yaan mo na lang siya. Mahina pala siya sa tukso at para gu­maan ang iyong isipan, patawarin mo na lang siya.

Mas mabuti raw ang nagbibigay kaysa tuma­tang­gap ng ibinibigay.

Sa ngayon, sikapin mong mapaganda ang record mo diyan sa bilangguan para makuwalipikado ka sa parole o pagpapababa ng sentensiya.

Huwag kang makakalimot sa pagtawag sa ating Panginoon para gabayan ka sa anumang hakbang na gagawin mo.

Dr. Love

Show comments