Kaligayahan: Kay ilap mo
Dear Dr. Love,
Ako po si Bernard Lawas ng Tagbilaran City, Bohol. Labindalawang taong-gulang pa lang po ako nang mamatay ang aking Tatay. Nasawi siya sa isang hit-and-run accident at hindi man lang nabigyan ng katarungan ang kanyang kamatayan.
Dala ng kahirapan ng buhay, huminto na ako sa pagpasok sa eskuwela dahil walang makatulong ang aking ina sa paghahanapbuhay.
Sa gabi ay nagtitinda ako ng balot at sa araw, nag-aalaga ako ng dalawang nakababata kong kapatid para makapagtrabaho ang aking ina.
Minsan, umuwi si Nanay na may kasamang lalaki. Ipinakilala niya ito sa akin na siyang magiging bago naming tatay.
Laking gulat ko pero sinabihan ko ang Nanay ko na hindi ako papayag na mag-asawa siya uli. Dito inihayag ng Nanay ko ang lihim na bumabalot sa aking pagkatao. Isa pala akong ampon. Napulot pala ako ng yumao kong ama sa isang karton at nagpasya silang ampunin ako. Umiyak ako nang umiyak sa ipinagtapat ng aking ina.
Balak ko na sanang maglayas noon pero wala akong alam na mapupuntahan. Sa kabila ng pangyayaring iyon, hindi nagbago ang pagtingin sa akin ng nakagisnan kong ina.
Pero hindi ko maiwasang isipin kung ano talaga ang tunay kong pagkatao at sino ang tunay kong mga magulang. Bakit nagawa nila akong itapon?
Sa paglipas ng mga taon, natanggap ko na rin ang lahat at nanumbalik na uli ang dati kong sigla.
Hanggang may makilala akong isang babae at kami ay naging magkasintahan. Bumuo ako ng mga pangarap na nakasentro sa kanya at pagbuo ng isang pamilya.
Naputol ang kaligayahang ito nang lumuwas sa Maynila ang aking kasintahan para tumulong sa tindahan ng kanyang kapatid.
Noong una ay malimit ang aming pagsusulatan hanggang dumalang na ito nang dumalang. Nagpasya akong lumuwas ng Maynila para hanapin ang nobya ko dala ang address na ibinigay niya sa akin. Dito ko nakita na mayroon na pala siyang kinakasama at nagdadalang-tao na siya.
Halos pumutok ang dibdib ko sa sama ng loob. Gustuhin ko mang umuwi na sa aming lalawigan, wala naman akong perang maipapamasahe. Nagpasya akong maghanap ng trabaho. Pero hindi trabaho ang aking nakita.
Isang gabing pauwi ako mula sa paghahanap ng trabaho, may nakita akong isang babaeng may lakong kakanin. Nagpasya akong pawiin ang aking gutom. Mayroon ding tatlong lalaking bumili ng kakanin sa babaeng nagtitinda.
Pero sa halip na magbayad sila, humihingi pa sila ng sukli sa pobreng tindera. Dito ako binalingan ng tatlo para pagtulungan. Nakatakbo lang ako pero sinundan nila ako. Nakahagip ako ng pamalong tubo. Nang inabot nila ako, hindi sinasadyang naipalo ko sa ulo ng isa sa tatlong humaharang sa akin ang tubo.
Bumagsak ang pinalo ko at namatay. Nagpulasan ng takbo ang dalawa niyang kasamahan.
Iyan ang dahilan kung bakit ako nakulong. Kasong homicide ang isinampa sa akin.
Dito sa piitan, hindi pa rin nawawala ang pagsagi sa aking isipan kung sino ang tunay kong mga magulang.
Dr. Love, may pagkakataon pa kaya akong lumigaya?
Gumagalang,
Bernard Lawas
4-D College Dorm,
UPHSD, College Dept.,
YRC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Bernard,
Kung walang maibigay na impormasyon ang nakagisnan mong ina sa tunay mong mga magulang, mahirap mo nang mahanap pa ang pinagmulan mo.
Pero hindi naman masamang mangarap na marahil kung iibigin ng Panginoon, matatagpuan mo ang tunay mong ina at ama.
Pero hindi dapat na ikasama mo ng loob ang pangyayaring isa kang ampon. Pasalamat ka sa nakagisnan mong ina at inaruga ka, dinamitan, pinalaki at tinuruan ng mabuting asal.
Kung hindi pa niya alam ang nangyari sa iyo, sulatan mo siya at ipaalam ang tunay na nangyari.
Kung hindi ka man niya madalaw diyan, at least naipagbigay-alam mo ang iyong kinaroroonan.
Darating din ang panahong bibihisin ng dakilang Panginoon ang iyong paghihirap.
Dr. Love
- Latest
- Trending