Dear Dr. Love,
Dalawang buwan pa lang akong nagbabasa ng Pilipino Star NGAYON dahil nang minsang magpagupit ako ay ang pahayagang ito ang binabasa sa barbershop. Nagustuhan ko ang inyong pahayagan kaya lagi na akong bumibili nito araw-araw.
Tawagin mo na lang akong Bernie, 27- anyos at binata pa. May kasintahan ako na mahal na mahal ko. Pero matapos ang limang buwang relasyon, may nakilala akong babae. Wala akong love sa kanya pero malakas ang sexual attraction niya sa akin.
Nagkaroon ako ng relasyon sa kanya at sa kasamaang palad, siya’y nabuntis. Sa una kong kasintahan na mahal ko, hindi pa ako nakikipag-sex dahil iginagalang ko siya.
Ang pangalawa kong kasintahan ay sobrang liberated. Siya pa ang yumayaya sa akin na pumasok sa motel.
Tatlong ulit kaming nagtalik at sa ikatlo’y nagdalang-tao siya. Malaking problema ko ito ngayon dahil niyayaya ako ng pangalawang kasintahan ko na magpakasal. Kagagalitan daw siya ng kanyang mga magulang.
Walang kamalay-malay ang totoo kong nobya at hindi ko masabi dahil ayaw kong masaktan siya. Ano ang gagawin ko?
Bernie
Dear Bernie,
Bigat ng poblema mo! Sa ayaw mo’t sa gusto, dapat mong ipagtapat iyan sa iyong minamahal na kasintahan.
Hindi ko lubos na pinapaboran na ang babaeng nabuntis dahil sa isang pagkakamali ay dapat pakasalan ng lalaking nakabuntis. Pero kung ihahabla ka, wala kang magagawa. She has a case against. You have to face the consequence of your misdemeanor. Ngayon pa lang, humanap ka na ng mahusay na abogado.
Kung tutuusin, may pananagutan ka sa problemang kinasadlakan mo ngayon. May kasabihan tayo na bagamat may kalayaan ang tao na gawin ang lahat ng gusto niya, dapat siyang maging matapang sa pagharap sa ano mang bunga ng kanyang ginawa. Mabuti man o masama.
Inuulit ko, ngayon pa lang ay tumipon ka na ng lakas ng loob at magtapat ka sa una mong kasintahan dahil sa malaon o madali ay mababatid din niya iyan at baka mas mabigat na problema pa ang ibubunga kung magkagayon.
Dr. Love