True love na kaya?

Dear Dr. Love,

Isang mainit na pagbati at pagpupugay ang ipinaaabot ko sa iyo sampu ng mga bumubuo ng Pilipino Star NGAYON.

Mangyaring tawagin mo na lang akong Isagani, 26-anyos at may kasintahan. Tatlong buwan na ang aming relasyon.

Bago siya, nagkaroon na rin ako ng sampung kasintahan pero mabilis ko silang bini-break. Ewan ko ba kung bakit madali akong magsawa. Kaunting diprensiya lang na makita ko ay tinatabangan na ako.

Pero parang iba ang nadarama ko ngayon kay Kaye. True love na yata ito. Marami akong maipipintas sa kanya. Hindi siya sweet at kung minsan pati ako ay tinatarayan.

Ang hindi ko maunawaan sa sarili ko, hindi ko makuhang mainis o magalit sa kanya at sunud-sunuran ako sa bawat gusto niya.

Sabi nga ng ilang kaibigan ko ay parang pinaglalaruan lang ako ni Kaye.  Pinapayuhan ako ng ibang close friends ko na ayawan na siya. Hindi ko naman ito matanggap at sa kabila ng lahat ay mahal na mahal ko siya.

Ano sa tingin mo? Mahal kaya ako ni Kaye o pinaglalaruan lang?

Isagani

 

Dear Isagani,

Huwag mo sa akin itanong iyan dahil hindi ko naman kayo pareho nakikita pa ng iyong girlfriend.

Sabi nga sa Ingles, love is blind and lovers cannot see. Baka ganyan ang nangyayari sa iyo. Dahil sa tindi ng pag-ibig mo’y hindi mo na nakikita ang depekto ng siyota mo.

Mag-isip-isip ka rin. Ang lalaki ay hindi nilikha ng Diyos para maging sunud-sunuran sa babae. Ang lalaki ang ulo ng relasyon at pamilya.

Kaya pakasuriin mo ang inyong situwasyon bago maging huli ang lahat.

Dr. Love

Show comments