Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Riza, 28-anyos at naninirahan sa Cabanatuan City.
Heto ang problema ko. Malapit na akong tumandang dalaga pero mahigpit pa rin ang Tatay ko. Sisenta anyos na ang Tatay ko at ang Nanay ko ay kamamatay lang noong isang taon.
May boyfriend ako. Tawagin mo na lang siyang Ben at limang taon na kaming mag-on.
Hindi ko malaman kung nag-uulyanin na ang aking Tatay pero ni isa sa mga naging boyfriend ko ay wala siyang sinang-ayunan.
Mabait naman si Ben pero hindi siya kinagigiliwan ng Tatay ko sa kabila ng pagkumbinsi ng aking mga kapatid na payagan na akong mag-asawa.
Siguro’y naglalambing ang aking ama dahil isa na siyang paralitiko sapul nang siya’y 63-anyos pa lang.
Sabi niya matutuluyan daw siyang mamatay kung mag-aasawa ako. Ano’ng dapat ko’ng gawin?
Riza
Dear Riza,
Ganyan talaga ang matanda lalo pa’t may karamdaman. Siguro’y dagdagan mo rin ang pagiging malambing sa kanya para huwag siyang ma-insecure na iiwan mo siya.
Sa mahinahong paraan, unti-unti mo siyang kumbinsihin na mag-asawa ka na para makita niya ang kanyang magiging apo. Sabihin mo na nagkaka-edad ka na at baka hindi mo maranasan na magkasupling. Alam kong maiintindihan ka ng Tatay mo.
Marahil sa dagdag na pasensiya at pagkumbinsi ay mapapapayag mo rin siya. Sino ba namang ama ang tututol sa kaligayahan ng anak?
Dr. Love