May erectile dysfunction

Dear Dr. Love,

Hindi na ako magpapaliguy-ligoy and I'll be direct to the point. Tawagin mo na lang akong Ben, 45-anyos at may asawa.

Ang misis ko ay 28-anyos lang at hindi ko sukat akalain na darating ang ganito kabigat na problema sa akin. Minsan sa aming pagniniig ay ayaw nang tumayo ang aking pagkalalaki. Akala ko pagod lang ako. Nagpahinga ako ng dalawang linggo pero nang ulitin ko, ayaw pa rin. Doon na ako kinabahan.

Nang magpatingin ako sa doktor, nadiskubre kong diabetic ako. Umaabot sa 200 ang blood sugar ko. Ganyan pala ang epekto ng diabetes. Ayaw ko namang sumubok ng viagra at iba pang gamot na sinasabing nagpapanumbalik sa sigla ng lalaki sa pakikipagtalik dahil sabi ng doktor ay bawal ito sa akin. May heart condition kasi ako.

Hindi naman palahanap ang aking asawa pero nangangamba rin ako dahil baka hindi ko na matugunan ang kanyang pangangailangan. Bata pa kasi siya at iisa pa lang ang anak namin.       

Pinayuhan ako ng doktor ko na sumubok ng mga herbal food supplements pero walang epekto ang mga ito. Ang sabi niya, baka sakaling manumbalik ang kakayahan ko kapag na-regulate ang blood sugar ko.

Isang buwan na akong naggagamot ngayon at  normal na ang blood sugar ko. May mairerekomenda ka bang lunas sa problema ko?

Ben

 

 

Dear Ben,

Hindi ako doktor na manggagamot kaya wala akong maipapayong lunas maliban sa magtiyaga kang maghintay at asahan ang  sinabi ng iyong manggagamot na maaaring magbalik ang iyong kakayahan sa sex kapag fully regulated na ang blood sugar mo.

Kaunting pasensiya lang. At marahil naman ay mauunawaan ng iyong kabiyak ang kalagayan mo. Ang relasyon ng mag-asawa naman ay hindi puro sex. Maipadarama ninyo ang inyong pag-ibig sa isa't isa sa ibang paraan.

Dr. Love

Show comments