^

Dr. Love

Kaya ko bang magpatawad?

-

Dear Dr. Love

Ako po ay isang bilanggo  sa pambansang bilangguan at ang lagi ko ngayong kalong ay kalungkutan.

Ang pagkakakulong ko po ay isang bahagi ng aking buhay pag-ibig sa isang babaeng noong una ang akala ko ay magpapakatotoo sa kanyang pangako.

Ang aking kasintahan ay tawagin na lang nating  Nada. Minsan po ay nanood kami ng sine at sa paglabas namin ay namasyal pa kami hanggang hindi namin  kapwa namalayan na lumalim na pala ang gabi.

Habang naglalakad kaming dalawa patungo na sa bahay nina Nada, may nadaanan kaming mga lalaking nag-iinuman. Isa sa pangkat nito ay dating manliligaw ng aking nobya.

Ang akala namin ay makakalampas kami nang walang problema. Pero nang lumampas kami sa tapat ng grupo, tinawag kami ng isa sa mga ito at pilit na pinaiinom ako bilang pakikisama.

Nakiusap si Nada na sa ibang araw na lang para makauwi na kami agad. Ayaw pumayag ng lalaki at binuhusan ako ng alak sa ulo.

Hindi raw puwedeng pakinabangan si Nada ng isang lalaking hindi taga-kanilang lugar. Dalawang lalaki ang biglang humawak sa akin at si Nada naman ay hinila ng dalawang lalaki papunta sa talahiban.

Hiyaw nang hiyaw si Nada at humihingi ng saklolo. Hindi ko na naisip kung ano ang maaaring mangyari sa akin. Ang nasa isip ko lang noon ay  iligtas ang aking minamahal na babae.

Hindi ko inaasahan na may patalim ang isa sa mga lalaking humahawak sa akin. Bigla na lang niya akong inundayan ng saksak. Pero naagaw ko ang kanyang armas at nagpambuno kami. Dala   ng matinding galit, walang awa ko siyang pinagsasaksak hanggang sa mamatay.

Nagtakbuhan na ang ibang kasamahan nito  habang si Nada ay agad na lumapit sa akin at sumaklolo dahil may tama rin ako ng patalim. Nang magising ako, nasa isang ospital na ako at nababantayan ng mga pulis.

Hindi lumayo noon sa aking tabi si Nada. Pilit niya akong idinepensa sa nagawa kong pagkakasala.

Pero nawalan ng silbi ang pagmamatwid ko at ni Nada at nademanda ako hanggang sa mahatulan ng 17 hanggang  25 taong pagkabilanggo.

Sa kabila ng naganap na hatol, patuloy si Nada sa kanyang pagdamay sa akin. Nang mailipat na ako sa kulungan sa Muntinlupa, dumalang na nang dumalang ang mga sulat at pagbisita ni Nada.

Hanggang sa nakatanggap ako ng sulat mula sa kanya at nagpapaalam sa akin. Hinihingi niya ang kanyang kalayaan dahil nakatagpo na raw siya ng ibang minamahal.

Halos hindi ko mapaniwalaan ang aking nabasa. Ang akala ko noon, iba si Nada sa ibang babae at hindi niya ako ipagpapalit sa iba.

Pero totoo ang nabasa ko sa liham. Mula noon, maraming katanungan ang pilit na sumasagi sa aking isip. Bakit ako tinalikuran ni Nada? Hindi ba kaya ako nasa kulungan ay  dahil sa kanya?

Ngayon po, nais kong itanong sa inyo kung tama bang panatilihin ko pa rin sa aking puso at isipan si Nada? Dapat bang patuloy kong itanim sa aking puso ang galit dahil sa nangyari sa buhay ko?

Maraming salamat po at more power.

Gumagalang,

Roy Carizo

Student Bldg.4,

YRC, Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

 

Dear Roy,

Isang masagana ring pangungumusta at sana, mawala na ang galit sa puso mo para maharap mo na ang katotohanan na nagbago na ang nobya mo.

Iyan ang masaklap na katotohanan. Huwag mo na rin siyang ganap na sisihin dahil naging marupok siya at mahina siya sa tukso.

Kung mananatili ang pamamahay ng galit sa iyong puso,  mawawalang kuwenta ang pagsisisi mo sa pagkakasalang nagawa sa pagpatay ng tao.

Alam kong nabigla ka lang bilang pagdedepensa sa sarili. Pero sa batas at sa mata ng Panginoon, ang batas ay hindi dapat na ilagay sa iyong mga kamay at malaking pagkakasala ang pumatay sa kapwa.

Patuloy kang manalangin sa Ating Panginoon na sana, mapatawad ka sa nagawang kabiglaanan at maalis sa puso mo ang galit para sa iyong katahimikan at kapayapaan ng isipan.

Makakatagpo ka pa ng ibang babae na magpapahalaga sa iyo anuman ang iyong nakalipas.

Dr. Love

AKO

NADA

PERO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with