Hanggang kailan magtitiis?

Dear Dr. Love,

Ako po si Verna at matagal na akong sumusubaybay sa kolum na Dr. Love.Nakapag-asawa ako nang hindi ko kagustuhan. Pinilit lang ako ng aking mga magulang. Kaibigan kasi ng tatay ko ang tatay ng napangasawa ko at binata pa raw sila ay nagkasundong ipakakasal sa isa’t isa ang kanilang mga magiging anak.Hindi ako naging maligaya sa asawa ko. Hindi ko naman masisi ang aking tatay dahil patay na siya. Malupit ang asawa ko. Hindi ako pinahahawakan ng pera. Basta’t binibili lang niya ang pangangailangan sa aming bahay at paminsan-minsan, ibinibili niya ako ng damit, sapatos at ibang personal na gamit.Hindi ko madamang asawa ko siya. Parang alipin ang pakiramdam ko sa aking sarili. Hindi man niya ako pinagbubuhatan ng kamay, masakit siyang magbitiw ng salita. Lagi akong sinisinghalan kapag hindi maganda ang pagka-plantsa ng damit niya.Kung may makita siyang medyo marumi o hindi maayos sa bahay, minumura niya ako.Tatlong taon na kaming mag-asawa at wala kaming anak. Hindi niya ako sinisipingan. Minsan lang ito nangyari at parang sapilitan pa.Ano ang gagawin ko?

Verna

 

Dear Verna,

Palagay ko’y labag din sa loob ng mister mo na magpakasal sa iyo. Kung magkagayon, mas makabubuting ipawalang-bisa ang kasal ninyo.Basta’t mapatunayan lang na hindi ninyo kagustuhan ang magpakasal kundi pinilit lang kayo ng inyong mga magulang.Mag-usap kayong mag-asawa at palagay ko’y sasang-ayon siya. Medyo mahabang proseso ang annulment at may gastos. Pero mas mabuti naman iyan kaysa nagsasama kayo habambuhay nang walang namamagitang pag-ibig. Makabubuting sumangguni kayo sa abogado.Ang pagpapakasal ng magkasintahan ay dapat may sangkap na pag-ibig. Kung wala iyan, magiging miserable kapwa ang mag-asawa.

Dr. Love

Show comments