Ipinagbili ang sarili

Dear Dr. Love,

Bayaan mo munang batiin kita at lahat ng mga sumusubaybay sa malaganap mong kolum. Ta­wagin mo na lang akong Ismael, 41-anyos at may asawa.

May sakit na kanser sa matris ang misis ko at bawal na sa kanya ang makipagtalik. Tinaningan na siya ng duktor ng anim na buwan hanggang isang taon. Suma­sailalim siya ngayon sa chemotherapy.

Ako’y isa lamang ordinaryong empleyado at hindi sapat ang kinikita ko para sa pagpapagamot niya.

May dalawa pa kaming anak na pinapag-aral sa college. Mahirap talaga ang problema ko.

May babaeng tumutulong sa akin. Tawagin mo na lang siyang Leny, 38 years-old at isang biyudang negosyante. May gusto sa akin ang babaeng ito at ang nais niya ay magkaroon kami ng relasyon. Kaya pinag­bigyan ko siya. Siya ang gumagastos sa pagpapagamot ng asawa ko.

Pero nagi-guilty ako dahil para kong ibinenta ang aking sarili. Ngunit kung hindi ko ito gagawin, paano ang misis ko?

Tulungan mo ako, Dr. Love.

Ismael

Dear Ismael,

Talagang mali ang pinasok mo. The end cannot justify­ the means. Kumbaga, kumapit ka sa patalim kaya nagawa mo iyan.

Subukan mong kausapin si Leny at ipaliwanag mong kasalanan sa Diyos ang inyong ginagawa. Sabihin mong magturingan na lang kayong espes­yal na magkaibigan kung talagang gusto ka niyang tulungan.

Marahil ay mauunawaan ka niya lalo pa’t wala ka namang ibang malalapitan para hingan ng tulong.

Mabigat sa dibdib ang ginagawa mo. May naka­ma­matay na karamdaman ang asawa mo, tapos pinagta­taksilan mo pa siya. Manalangin ka sa Pangi­noon at humingi ng direksyon.

Dr. Love

Show comments