Pakialamero kasi

Dear Dr. Love,

Ako po ay si Oliver Aurellana, 28 taong-gulang at kasalukuyang nagsisilbi sa hatol sa aking wa­long taong pagkabilanggo sa pag­kakapatay sa isang lalaking kinakasama ng isang suki ko sa tricycle. Hindi sinasadya ang pagkakapatay ko sa kanya. Udyok lang ng awa sa pambubug­bog niya sa kanyang asawa.

Pero ako ang sinisisi ng babaeng iniligtas ko sa pananakit ng kanyang kinakasama at sina­bihang pakialamero ako. Hindi ko ganap na ma­unawaan kung bakit ako pa ang sini­sisi sa pangyayari. Narito po ang kasay­sa­yan ko.

Ako po ay binata at ang hanapbuhay ay mag­pasada ng tricycle na binili para sa akin ng aking ina para magkaroon ako  ng hanap­buhay.

Marami akong suking pasahero at isa na dito si Jenni, isang nurse sa Lucena Memo­rial Hos­pital.

Hatid-sundo ko siya sa ospital sa gabi at ma­da­ling-araw. Sa loob  ng dalawang taong pag­sa­kay niya sa aking tricycle, napalapit na ang loob ko sa kanya. Tatlumpu’t limang taong gulang na siya.

Bagaman nahulog na ang loob ko sa kan­ya, hindi ko masabi sa kanya ang dam­da­ming na­ma­mahay sa aking dibdib. Unang-una, ate ang tu­ring ko sa kanya at alam kong mayroon siyang kinakasama.

Noon  kasi, hindi ko alam kung kasal siya sa na­sabing lalaki. Pero sa loob ng pana­hong pasa­hero ko siya, madalas siyang umi­iyak. Marami siyang pasa sa braso at kung minsan, mayroon siyang sugat sa mukha. Alam kong isa siyang bat­tered wife. Kung tina­tanong ko siya kung bakit pa­lagi siyang bugbog-sarado, ang sabi niya sa akin, away mag-asawa lang daw.

Noong gabi ng Okt.  6, 2001, susunduin ko si Jen­ni sa kanilang bahay pero nakita kong ma­raming tao sa harap-bahay. ‘Yon pala, nakikius­yo­so sila sa pag-aaway ni Jen­ni at ng kanyang asawa.

Nagtanong-tanong ako kung ano ang nang­yari at nabatid kong binugbog na na­man si Jenni ng kanyang asawa. Sigaw nang sigaw ito sa loob ng bahay.

Nabatid ko rin na si Jenni ay kabit lang ng la­la­king yaon at mayroon itong tunay na asawa na taga-Pagbilao.

Biglang bumukas ang pinto ng bahay at lu­ma­bas si Jenni na nagtatakbo. Nakasuot lang siya ng panty at hubad sa dakong itaas ng kan­yang katawan.

Hinabol si Jenni ng kanyang kinakasama.

Nanghilakbot ako nang makita ko na puro pasa ang katawan ni Jenni. Dumudugo ang kan­yang ilong at maitim ang paligid ng kan­yang mata.

Nagtakbuhan ang mga taong nasa harap ng bahay. Biglang may naramdaman akong silakbo ng galit sa dibdib at awa ang nama­hay sa akin sa sitwasyon ni Jenni.

Sa aking galit, pinagsasaksak ko ng screw driver ang kinakasama niya hanggang sa mabu­wal na ito sa lupa na wala na palang buhay.

Inaresto ako ng mga pulis dahil napatay ko raw ang lalaki na lasing na lasing.

Nang malaman ng aking ina ang nang­yari, ako rin ang sinisi niya. Hindi raw ako da­­pat na naki­alam sa away ng mag-asawa.

Galit na pinagsabihan din ako ni Jenni sa aking panghihimasok. Kung hindi raw da­hil sa akin, buhay pa sana ang kanyang kina­kasama.

Tumulo ang luha ko sa paninising ito ng mga taong mahal ko sa buhay.

Naririto ako ngayon sa Muntinlupa at pinag­babayaran ang pagkakasalang nagawa.

Malungkot man ako dito sa loob,  ang ta­nging pang-alo ko na lang sa sarili ay matapos na ang hatol na iginawad sa akin. Hangad ko rin pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Gumagalang,

Oliver Aurellana

Student Dorm, MSC, Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

 

Dear Oliver,

Naging isang magandang aral sa iyo ang insi­denteng yaon na sa pag-aakala mo ay pag­liligtas sa lihim na minamahal mong babae.

Ang akala mo ay nakagawa ka ng kaba­ya­ni­han sa mata ng babaeng nais mong ma­iligtas sa pambubugbog ng kinakasama.

Huli na nang mapag-isip mo na galit sa iyo ang babaeng lihim mong minahal dahil napatay mo ang kanyang kinakasama. Na sa kabila ng pagiging isang battered wife, mahal pa rin niya ang lalaking bumubugbog sa kanya.

Balintuna talaga ang buhay. Huli na nang ma­tanto mo na naging pabila-bigla ka sa pag-ak­siyon. Sa mata ng mga mahal mo sa buhay, isa kang pakialamero.

Sana, pagbutihin mo na lang ang pagba­ba­gong-buhay sa loob at ituloy mo ang pag-aaral para maging handa ka sa nalalapit mong paglaya.

Dr. Love

Show comments