Dear Dr. Love,
Kumusta ka lalo na sa iyong mga palagiang suki. Sana’y mapaunlakan mong malathala ang sulat ko dahil mabigat ang problema ko.
Tawagin mo na lang akong Suzy ng Malabon, 25-anyos at buntis sa pagkadalaga. Three months na kami ng boyfriend ko at naibigay ko na sa kanya ang aking pagkababae. Akala ko kasi’y tototohanin niya ako. Noong una kasi’y lagi kaming magkasamang nangangarap. Kesyo magtatayo kami ng business at bubuo ng masayang pamilya.
Kaya tiwalang-tiwala ako na tototohanin niya ako. Isang buwan pa lang kaming mag-on ay pumayag na akong angkinin niya. Dinala niya ako sa resthouse niya sa Tagaytay at doon naganap ang una naming pagtatalik. Naulit iyon hanggang sa magdalang-tao ako.
Nang mag-pregnancy test ako ay positive. Hindi naman ako kinabahan dahil ang akala ko’y matutuwa ang boyfriend ko. Pero nang sabihin ko ito sa kanya ay mukha siyang nanlumo.
Lalo akong nagalit nang itatwa niya ang bata at sabihing baog daw siya. Two weeks na siyang hindi nagpapakita sa akin ngayon at nasabi ko na ang problema ko sa aking parents. Naunawaan naman nila ako pero galit na galit sila sa aking kasintahan. Ano ang gagawin ko?
Suzy
Dear Suzy,
Iyan ang hirap sa mga babae. Masyadong tiwala at agad itinataya ang pagkababae. Hindi ka nag-iisa sa problema mo. Marami na akong naenkuwentrong problemang kagaya ng sa iyo at halos iisa ang sinasabi ko.
That is legal case at kung ibig mong maghabol, kumonsulta ka sa abogado.
Nakasisiguro ka bang binata ang boyfriend mo? Kung hindi, paano ka maghahabol? Malamang sustento na lang sa magiging anak ninyo ang puwede mong habulin.
Sana’y magsilbing aral ang kasaysayan mo sa ibang kadalagahan.
Dr. Love