Panibugho

Dear Dr. Love,

Isang magandang araw sa iyo. Sana’y umabot sa iyo ang aking liham at malathala bago mag-Pasko o Bagong Taon. Pero kung hindi’y okay na rin. Sana’y maging mabiyaya at pinagpala ang papasok na taon sa iyon at sa lahat ng mga mahal mo sa buhay.

Tawagin mo na lang akong Edmund. Dalawang taon pa lang kaming kasal ng aking asawang si Mercy. Inabot din ng halos isang taon ang aming engagement bago kami nagpasyang magpakasal.

Dati ko siyang kamag-aral sa college pero tapos na kami ng kursong Management nang ligawan ko siya. Sa maniwala ka o hindi, una at huli ko siyang kasintahan bagamat alam kong dalawa na ang naging boyfriend niya bago kami nagka­relasyon. Plain housewife siya at ako’y isang em­pleyado sa banko. Masyado siyang selosa at iyan ang aking problema.

Good boy naman ako at siya lang talaga ang babae sa buhay ko. Pero madalas niya akong awa­yin lalo na’t ginagabi ako ng uwi. Kung minsan kasi, may mga overtime work ako sa banko.

Masyado siyang hysterical kapag inaaway niya ako. Anim na buwan pa lang ang baby namin  at madalas, kapag siya ay naghi-hysteria, nagigising ang bata at umiiyak.

May gamot ba sa sobrang selosa? Tulungan mo ako,  Dr. Love.

Edmund

 

Dear Edmund,

Hindi ka nag-iisa sa problema mo. Marami nang sumulat sa akin na ganyan ang problema. Okay ang pagseselos kung nasa lugar. Pero kung nagi­ging unreasonable na, ito’y maaaring makasira sa isang relasyon.

Marahil dapat mo siyang unawain pa at pag­pa­kitaan ng iyong pagmamahal. Madalas mo siyang ilabas. Mamasyal kayo, manood ng sine o kumain sa labas as if magkasintahan lang kayo. Baka naman masyado na siyang nabuburyong sa bahay. Kung maaari’y isama mo siya sa opisina at ipakilala sa mga kapwa mo empleyado para mawala ang kanyang insecurity.

Give that a try at naniniwala akong mawawala ang kanyang labis na panibugho.

Dr. Love

Show comments