`Tinulungan ako ng Panginoong Jesu-Cristo sa kagipitan ko’ — Maribel
Noong nakaraang mga araw, talagang tuliro na ako kung ano ang dapat kong gawin. Imagine, wala kaming pera at kinabukasan ay papasok pa sa paaralan ang aming tatlong anak.
Ang mayroon lang kami ay bigas. Nangyayari itong kalbaryong sinapit namin simula nang matanggal ang aking asawa sa trabaho at itinigil ng aking mother-in-law ang pagpapadala ng tulong sa amin dahil ayaw naming umuwi sa probinsiya kung saan naroon siya nakatira at nag-aasikaso ng kanyang kabuhayan.
Ang kapatid ng asawa kong nasa ibang bansa ang siya na lamang ang tumutulong sa amin. Nagpadala nga siya ng pera sa amin pero hindi ko mapuntahan ang pinagdalhan niya ng pera dahil wala akong pamasahe papunta doon sa may bandang Quezon City kung saan siya nakatira.
Wala akong magawa kundi umiyak na lang sa Panginoong Jesu-Cristo. Nang malaman ng aking mga anak na hindi sila makakapasok kinabukasan dahil walang pamasahe, umiyak sila dahil gusto nilang pumasok sa eskuwela. Ang panganay kong anak ay nagsabi sa akin na papasok siya kahit maglakad siya dahil hindi naman gaanong malayo ang eskuwelahan niya sa aming tinirhan.
Bandang alas-11 ng gabing yaon, ako’y napatingin sa malayo. Habang ako’y nakatayo, umiyak ako sa Panginoong Jesu-Cristo at sinabi ko sa Kanya ang lahat kong problema. Maya-maya ay tumunog ang cellphone ko at nasa kabilang linya ang kumare ko na siyang pinagdalhan ng pera. Sabi niya sa akin na siya na ang pupunta sa bahay namin para dalhin niya ang padala ng kapatid ng asawa ko at hintayin ko na lamang siya.
Dumating nga siya sa amin bandang alas-12 ng hatinggabi at inabot niya ang pera sa amin. Napakabuti talaga ng Panginoong Jesu-Cristo na oras ng aming kagipitan ay handa Niya kaming tulungan kahit hatinggabi pa.
Purihin at sambahin ang Panginoong Jesu-Cristo at nawa ay tanggapin ninyo Siya sa inyong mga buhay bilang Panginoon at Tagapagligtas para matulungan kayo sa inyong mga suliranin o anupaman.
Ate Maribel ng Pasig City
(Sa mga nais humingi ng payo, panalangin, pagpapala at iba pa, tumawag lamang sa mga telepono ng CLSF: U-belt, 733-1087; Pandacan, 533-5791/563-2809;Tondo, 251-8243/252-6649; Malabon, 273-8256/270-3836; Q.C., 724-0676; Parañaque, 821-5335; Cainta, 656-7998, at Mandaluyong, 533-5171.)
- Latest
- Trending