^

Dr. Love

Pati kaibigan ko nadamay sa problema

-
Dear Dr. Love,

Isa pong mapagpalang-araw sa inyo at sa lahat ng bumubuo ng PSN.

Dalawa po kaming kinakatawan ng liham na ito sa inyong malaganap na pitak. Ako po si Chriz de Guzman, 32 years-old at ang kaibigan kong si Ryan Francisco, 26 years-old.

Ako po ay tubong Las Piñas samantalang ang kaibigan ko ay tubong Pasay City. Kami po ay kapwa nagtatrabaho bilang painter sa isang maliit na kompanya sa Las Piñas. Kami po noon ang siyang nagde-design ng Handyman Hardware sa lahat na sangay ng Robinson. Sa kasalukuyan po, kaming dalawa ay nakakulong sa Muntinlupa dahil sa kasong homicide.

Alam ko pong hindi lingid sa inyong kaalaman ang buhay namin dito sa loob. Kalungkutan ang dinaranas namin, pangungulila sa aming mga mahal sa buhay at higit sa lahat, nabubuhay sa kawalang pag-asa.

Kung paano kami nakulong, iyon po ang ilalahad ko sa liham na ito.

Isang gabi po noon, umuwi ako sa aming bahay kasama ang aking matalik na kaibigan. Sinadya ko pong pumasok nang walang kaingay-ingay para sorpresahin ko ang aking maybahay.

Noon po ay bagong galing kami sa destino at minabuti ko nang isama ang aking kaibigan dahil pagod kami kapwa sa biyahe.

Sa halip na masorpresa ko ang aking kabiyak, ako ang nasorpresa dahil inabutan kong pinupugayan niya ang aking dangal at sa loob pa mismo ng aming tahanan.

Sa tindi ng kabiglaanan sa hindi inaasahang pangyayari, hindi ko napigil ang silakbo ng aking galit. Sa isang iglap, nagawa kong umutang ng buhay. Huli na po ang lahat sa aking pagsisisi.

Pati kaibigan ko, nadamay sa aking kasalanan gayong wala siyang kamalay-malay sa insidenteng naganap.

Ang higit na masakit, ang aking kaibigan ay iniwanan ng kanyang asawa’t anak nang makulong siya sa isang pagkakasalang ako ang may kagagawan.

Kami po sa kasalukuyan ay nakatapos na sa apat na taong kursong vocational at sa tiyaga at pagsisikap, kapwa kami nakuhang mga inmate trainors sa aming mga kasamahan dito sa loob.

Kami rin po ay miyembro ng performing arts sa Teatro Sampaguita.

Sa kabila nito, hindi ito sapat para maibsan ang aming kalungkutan.

Sa pamamagitan po ng inyong column, nais naming dalawa na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat na makakaunawa sa aming kalagayan.

Maraming salamat po at more power sa inyong column.

Gumagalang,

Chriz de Guzman at Ryan Francisco

1-C Student Dorm,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776




Dear Chriz and Ryan,


Salamat sa liham ninyo at sana, matupad ang inyong pagnanais na magkaroon ng maraming kaibigan sa panulat. Bilib ako sa pagkakaibigan ninyong dalawa. Talagang walang iwanan. Sa iyo Ryan, saludo ako dahil hindi mo nilayuan si Chriz kahit na siya ang tila naging daan kung bakit ka nasadlak sa bilangguan.

Huwag kayong mawawalan ng tiwala na balang-araw, lalaya rin kayo at muling makikipamuhay sa labas ng piitan.

Huwag din kayong makakalimot na manalangin na sana ay mapaaga ang paglaya ninyo dahil mabuti naman ang ipinakikita ninyong pagbabago at kabutihang asal.

Iwasan lang ninyo ang masabit sa gulo na siyang makapagpapatagal pa ng pananatili ninyo diyan sa loob.

Ang pananalangin ay mabisang lunas sa kalungkutan.

Bukod sa pagiging busy ninyo sa paaralan diyan sa loob, huwag ninyong kalimutang tumawag sa Maykapal na siyang nakakaalam sa inyong kapalaran sa hinaharap.

Sa kabila ng mapait ninyong karanasan, isaisip lang ninyo na walang pangyayari sa buhay ng isang nilalang na nagaganap kung hindi kagustuhan ng nasa Itaas.

Pagsubok lang ang mga ito na hindi naman magaganap kung hindi Niya alam na hindi ninyo kayang maharap.

Sipag at tiyaga pa at pasasaan at lalaya din kayo.

Dr. Love

AKING

CHRIZ

DR. LOVE

KAIBIGAN

KAMI

LAS PI

RYAN FRANCISCO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with