Isang mapayapang pagbati ang aking ipinapaabot sa iyo. Sa pagsulat kong ito’y umaasa akong matutulungan mo ako sa mabigat kong problema. Tawagin mo na lang akong Myra, 26-anyos. Nakatapos ako ng kursong Masscom.
Mahirap lang kami pero pangarap kong umasenso. Nag-iisang anak lang ako at yumao na ang aking ama samantalang ang ina ko’y isa lang labandera at nakatira kami sa barong-barong sa isang squatters’ area dito sa Tondo.
Nang makapagtapos ako ng high school, pinroblema ko na kung papaano makatutuntong sa kolehiyo. Nilapitan ko ang aking ninong sa binyag na kumpare ng tatay ko. Inalok niya akong magtrabaho sa kanyang grocery at stay-in. Tatlong oras lang daw akong tatao sa grocery at matapos iyon ay puwede na akong pumasok sa pamantasan. Ang kabayaran daw noon ay tutustusan niya ang aking tuition at kaunting allowance.
Biyudo na ang ninong ko at ang tanging kasama sa bahay ay dalawang katulong. Akala ko’y nagmamagandang-loob siya dahil kumpare niya si Itay. Pero isang gabi, pinasok niya ako sa aking silid at hinalay. Wala akong magawa kundi isuko ang aking sarili dahil natatakot akong maputol ang aking pag-aaral.
Naging kabit ako ng sarili kong ninong labag man sa kalooban ko. Nakapagtapos ako at nang mangyari yon, tinapos ko na rin ang aking nakapandidiring relasyon. Pero hangga ngayo’y sinusumbatan ako ng aking budhi. Ayokong tumanggap ng manliligaw dahil sa pandidiri ko sa aking sarili.
Tulungan mo ako, Dr. Love.
Myra
Dear Myra,
Ang tao ay nabubuhay para sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ang nakaraan ay nakaraan na. Hindi na dapat buhayin para ang multo nito’y habambuhay kang gambalain.
Pasalamat ka sa Diyos at sa kabila ng masaklap mong karanasan ay naabot mo ang gusto mong abutin. May magandang misyon para sa iyo ang Diyos at kung nagsisi ka na sa iyong mga pagkakamali, umasa kang gagabayan ka Niya sa matuwid na landas. Tandaan mo, ang Diyos ay hindi nagtatago ng talaan ng mga pagkakamali ng isang taong nagsisi na at kumilala sa Kanya.
Dr. Love