Nawa’y mapagpayuhan mo ako sa aking problema. Ako po si Estrel, 27-anyos at sa edad kong ito na malapit nang lumipas sa kalendaryo ay dalaga pa.
Tutol sa aking kasintahan ang aking mga magulang. Sa tingin ko ay wala silang magu gustuhan kahit sino pang lalaki ang iharap ko sa kanila dahil damdam ko’y ayaw nila akong makawala sa poder nila. Nag-iisa kasi akong anak at simula sa pagkabata ay spoiled ako. Sinusunod nila ang lahat ng layaw ko. Noong araw ay masaya ako. Pero ngayong pati puso ko ay sinasaklaw na nila, parang gusto kong magrebelde. Hindi na ako bata. Katunayan ang edad ko’y papunta na sa pagkamatandang dalaga.
Sabi nga ng iba, mabuti at hindi ako lumaking spoiled brat. Nakapagtapos ako ng kolehiyo sa isang exclusive school at lahat ng luho ko tulad ng sariling kotse, magagandang damit at alahas at borloloy sa katawan ay maluwag na provided sa akin ng parents ko.
Itinakda na namin ng aking kasintahan ang aming kasal. Nasa edad na naman kami para magdesisyon sa aming sarili. Pero mahigpit na tumututol ang mga magulang ko. Sabi ko sa boyfriend ko, maghintay pa kami ng ilang panahon para ma-convinced sila. Galit na ang bf ko at nagbabantang kapag hindi ako nagpakasal sa kanya ay humanap na ako ng iba.
Please help me.
Estrel
Dear Estrel,
Tama ang sinabi mo. Nasa edad ka na para mag-decide sa iyong sarili. Kaya magpasya ka. Ano ang pinaka-importante sa iyo, magulang o pag-ibig?
Kung ayaw nilang ibigay ang kanilang bendisyon sa iyo, pabayaan mo sila. Just do what is right. Magpakasal kayo. God will honor your decision at isumpa ka man ng mga magulang mo ay hindi tatalab iyan lalo pa’t dakila ang inyong hangarin na bumuo ng isang pamilya. Ganyan naman talaga ang layon ng Diyos nang likhain ang tao.
Kahit tutol ang mga magulang mo, hindi kasalanan ang inyong gagawin. At least ginawa mo ang tungkulin ng isang anak. Maayos kang nagpaalam sa kanila. Sumama man ang loob nila’y naniniwala kong ito’y pansamantala lang at patatawarin ka rin pagdating ng araw lalo na kapag nagkaapo na sila.
Dr. Love