Naligaw ng landas

Dear Dr. Love,

Isa pong masaganang pangungumusta sa inyo at sa mga mahal ninyo sa buhay.

Ako po si Vicente M. Bentir, 43 years-old at isang masugid na tagasubaybay ng inyong pitak.

Alam ko pong napakarami na kayong natulungan na katulad kong naririto sa loob ng bilangguan.

Sa mga taong inilagi ko na rito, ginugol ko ang aking panahon sa pag-aaral at hindi naging hadlang ang aking edad para maipagpatuloy ko ang pag-aaral.

Nagsimula po akong mag-aral sa Vocational Training School dito at ngayon ay nasa college na ako sa University of Perpertual Help System Extension School sa Camp Sampaguita. Second year na po ako sa kasalukuyan.

Minsan pang napatunayan na ang aking naligaw na landas ay maaaring maituwid. Naging napakalaking aral para sa akin ang naganap sa aking buhay at ito ay hindi na mauulit pa kailanman.

Isa pong malaking hamon sa buhay ko ang pagkakapunta ko rito na siyang naging daan para ako ay tumatag. Nakaya ko ang mga hirap at pighati lalo na nang iwan ako ng mahal ko sa buhay.

Para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Damdam ko noon, wala na akong pag-asa sa buhay.

Pero dito ko lubos na natutuhan ang makipagkapwa.

Ang tangi kong maipapayo sa mga kabataan ay maging mahinahon at huwag padalus-dalos at kailangang pag-isipan muna ang isang bagay bago magdesisyon.

Nagpapasalamat po ako sa mga kawani at pamunuan ng Pambansang Bilangguan dahil sa mga aral na itinuro sa aming bilanggo para magpakabuti nang mapagaan at mapadali ang aming paglaya.

Nawa’y maging mapalad ako na mailathala sa pitak ninyo ang liham kong ito.

Lubos na gumagalang,
Vicente M. Bantir

I-D College Dept.,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776


Dear Vicente,


Isang manigong bagong taon sa iyo.

Nawa’y ang taong ito ng 2007 ay maging mapalad para sa iyo para magawaran ka ng pagpapababa ng hatol nang mapaaga ang iyong pagbabalik sa lipunan.

Nakalulugod na mabatid na natanggap mo na ang iyong pagkakasala at sa ngayon ay isa ka nang tagapagpagunita sa mga kabataan na huwag maging padalus-dalos sa mga desisyon na maaaring pagsisihan sa dakong huli.

Tama ka sa desisyong ituloy ang pag-aaral habang nasa piitan para may magamit kang puhunan sa paglaya mo sa piitan.

Sana, tuluy-tuloy na ang iyong rehabilitasyon at nawa’y malimot mo na ang mga dagok sa buhay na kinaharap mo.

Samahan mo pa ng pagdalangin sa Maykapal na lalong tumibay pa ang iyong dibdib sa maaari mo pang makaharap na problema sa pagsalunga sa buhay.

Good luck sa iyo at ituluy-tuloy mo ang pagbabago sa tamang landas.

Dr. Love

Show comments