Kumusta po kayo at sana, datnan kayo ng liham na ito na nasa mabuting kalagayan kasama na ang mga mahal ninyo sa buhay at mga bumubuo ng PSN.
Isa po ako sa masusugid na mambabasa ng inyong pahayagan at ng inyong malaganap na pitak.
Sa kasalukuyan po, nandito ako, nakakulong sa pambansang piitan dahil sa pag-ako ng isang pagkakasala ng isang minamahal.
Nasadlak po ako sa madilim na piitan bilang pagsasakripisyo alang-alang sa isang mahal sa buhay. Sana po matunghayan ng aking mga kapatid ang liham kong ito.
Ulila na po kaming magkakapatid. Dahil dito, nagkahiwalay kaming lahat dala ng kahirapan. Bilang panganay, hinanap ko po silang lahat pero bigo akong matagpuan sila.
Nawalan na ako ng pag-asang magkita-kita pa kaming lahat. Kaya ang pangungulila ko sa kanila ang naging daan para mabaling ang pansin sa pakikipagkaibigan kay Rosie na nang kalaunan ay naging nobya ko.
Bagaman magkaibigan kami sa umpisa, natutuhan naming ibigin ang isat isa. Madalas kaming lumabas, namamasyal subalit lingid sa aking kaalaman, mayroon pala siyang inililihim sa akin.
Minsan, pauwi na kami galing sa pamamasyal nang aksidenteng mabagansiya kami. Nahulihan po ng bawal na gamot ang nobya ko na ikina-shock ko.
Nang dumating sa presinto ang mga magulang ni Rosie, kinausap nila ako na aminin ko na lang ang drogang nakumpiska sa kanilang anak.
Ipinangako nilang hindi nila ako pababayaan sa kulungan. Pero hindi na nila tinupad ang pangakong ito.
Dala ng malaking pagmamahal kay Rosie, inamin ko ang salang hindi ko naman kagagawan.
Sa ngayon, hindi na ako umaasa pang dadalawin ng nobya ko at maging ng kanyang mga magulang.
Ang nais ko na lang, sanay mabasa ng aking hinahanap na mga kapatid ang liham na ito. Sana rin po, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.
Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ako sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito at sanay patuloy na magtagumpay ang pitak na ito at gayundin ang inyong pahayagan.
Gumagalang,
Edmund Besenio
Dorm 218, Bldg. 2, B.O.C.
Muntinlupa City 1776
Dear Edmund,
Malimit, ang magandang intensiyon at pagpapakasakit ay hindi natutumbasan ng katapatan na layunin.
Boluntaryo kang umamin ng pagkakasala ng iba alang-alang sa pagmamahal sa isang babaeng minahal mo. Hindi ka kamo ngayon dinadalaw ni kinukumusta nila.
Nakuha na nila ang pakay sa iyo. Huwag mo nang hangarin pang tuparin nila ang pangako sa iyo.
Sa ngayon, pagbutihan mo na lang ang pag-aaral mo diyan sa loob para may matutuhan kang pamamaraan ng ikabubuhay sa sandaling lumaya ka na.
Maging isang malaking aral sana sa iyo ang karanasan mo at magsilbing isang panuntunan na hindi lahat ng kumikinang ay ginto.
Akala moy nakatagpo ka na ng karamay sa kalungkutan. Burak pala ang kalooban ng babaeng natutuhan mong mahalin nang labis.
Inaasahan ng pitak na ito na mababasa ito ng iyong mga kapatid nang sa gayon ay madalaw ka nila at sa iyong nobya at kanyang pamilya, nakakatulog kaya sila nang mahimbing gayong mayroon silang inagrabyadong tao? Diyos na ang bahala sa kanila.
Hangad namin ang madali mong paglaya.
Dr. Love