Umibig sa driver

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo Dr. Love at sa milyun mong tagasubaybay pati na ang staff ng PSN. Tawagin mo na lang akong Anita, 53-anyos at tatlong taon nang balo. Namatay sa heart attack ang asawa ko at may kabuhayan din namang iniwan sa akin. Hindi kami nagkaanak kaya nag-ampon na lamang kami. May asawa na rin ang ampon namin at katulong ko sila sa aming negosyo.

Dahil sa sobrang kalungkutan, lagi akong namamasyal sa Tagaytay, Baguio at kung saan-saan kapag libre ako sa pag-aasikaso ng aming negosyo na pinagtutulungan namin ng aking anak at manugang.

Ang nakakasama ko lagi sa pamamasyal ay ang aking driver na si Quintin, 30-anyos at isa ring biyudo.

Napansin ko ang sobrang pag-aalala sa akin ni Quintin. Hindi man niya sabihin, ramdam kong umiibig siya sa akin. Hindi mo naitatanong, sa gulang kong ito’y mukha lamang akong 40-anyos dahil siguro hindi ko naranasang magdalang-tao. Hindi laspag ang aking katawan at para pa ring namumukadkad na dalaga.

Sa katagalan ay nahulog ang loob ko sa kanya. Nagkaroon kami ng mutual understanding na nauwi sa pagsisiping. Naulit iyon ng maraming beses at maligaya ako kapag yapos ng matitipuno niyang mga bisig.

Hindi ko inaasahan na sasabihin niya sa aking seryoso siya sa akin at gusto niya akong pakasalan. Mangangamba ako Dr. Love na baka masamain ng tao ang pagpapakasal ko sa kanya. Ano ang gagawin ko?

Anita


Dear Anita,


Hindi maiiwasan na may mga pupuna at magbibigay ng masamang kahulugan kapag nagpakasal ka sa isang driver na higit na nakababata sa iyo. Pero personal mong buhay ang nakataya. Kung saan ka maligaya, pumaroon ka. Huwag mong intindihin ang sasabihin ng iba dahil hindi labag sa batas ng tao at Diyos ang iyong gagawin kung saka-sakali.

Kaya lang, dapat maging matalino ka rin. Bago ka sumuong sa pagpapakasal, tiyakin mong mahal ka talaga ni Quintin at hindi lang pera mo ang hangad. Ibig kong sabihin, kilalanin mo siyang mabuti. Alam kong sa gulang mo ngayon, may sapat ka nang talino para makilala kung ang tao’y tapat o nagbabalatkayo lang.

Dr. Love

Show comments