Isang masayang pagbati ang ipinaaabot ko sa iyo at sa milyun-milyon mong tagasubaybay. Isa ako sa mga tagasubaybay ng iyong kolum. Tawagin mo na lang akong Lindsy, isang college dropout. Sa ngayoy magtatatlo na ang aking mga anak sa iba-ibang lalaki.
Malaki ang aking kasalanan sa aking mga parents na napakahigpit. Lagi akong kinagagalitan kaya akoy napabarkada at tuluyang naligaw ng landas.
Sa unang pagbubuntis ko, nagalit ang aking ama at ina pero pinatawad din nila ako after a while. Sa ikalaway ganoon din. Inisip ko na walang magulang na makatitiis sa anak. Ang dalawang anak koy mga magulang ko ang nagtataguyod. Sila ang bumibili ng kanilang pangangailangan at nakita kong mahal nila ang mga anak ko.
Pero sa ikatlo kong pagdadalantao, tuluyan na akong pinalayas ng aking mga magulang. Nang puntahan ko ang boyfriend ko na ama ng dinadala ko, ayaw naman niyang kilalanin ito. Tatlong buwan na akong nakikitira sa best friend ko. Pero pinaaalis na rin ako ng kanyang mga magulang. Ano ang gagawin ko?
Lindsy
Dear Lindsy,
Ako man ang nasa katayuan ng iyong mga magulang ay malamang itakwil din kita. Ano ka, gawa ka nang gawa ng bata sa ibat ibang lalaki tapos ipapasa mo sa kanila ang responsibilidad?
Nakakakulo ka ng dugo dahil binibigyan mo ng batik ang malinis na pangalan ng iyong pamilya.
Sikapin mong magbago. Humingi ka ng tawad sa mga magulang mo at mangakong itutuwid mo na ang iyong landas. Ewan ko kung agad nilang ibibigay ang kapatawaran pero palagay koy hindi ka nila matitiis.
Huwag mong babuyin ang sarili mo dahil mawawala ang iyong mga magulang balang-araw. Wala nang lilingap sa iyo. Matuto kang magkaroon ng tamang desposisyon at magtrabaho ka nang marangal para sa kinabukasan mo at ng iyong mga anak.
Dr. Love