Idiniin ako ng mahal ko

Dear Dr. Love,

Isa pong masaganang pangungumusta. Sana po, mabigyang-daan ninyo ang liham kong ito sa malaganap ninyong column at sa pamamagitan ng pitak na ito ay mabigyan ninyo ako ng payo.

Tawagin mo na lang akong Naphtali, 29 years-old at tubong Bohol. Narito ako ngayon sa Medium Security Compound ng Camp Sampaguita dahil sa kasong homicide.

Hindi ko malilimutan kung bakit naririto ako ngayon, nagdurusa na ang naging dahilan ay ang babaeng minahal ko nang labis.

Siya ay si Remedios. Nakilala ko siya sa isang restaurant sa aming bayan.

Buhat noon ay naging madalas na ang aming pagkikita hanggang sa ipagkaloob niya sa akin ang matamis niyang oo.

Totoong minahal ko siya nang lubos. Labis-labis ang kaligayahan ko nang sagutin niya ako. Pero, labis akong nasorpresa nang isang araw, sabihin niya sa akin na kalimutan ko na siya at mag-break na kami.

Pinilit kong ungkatin sa kanya kung ano ang dahilan ng kanyang pakikipagkalas sa akin.

Sa kapipilit ko sa kanya, ipinagtapat niya sa akin isang gabi na hindi na raw siya karapat-dapat sa akin. Pinagsamantalahan daw siya ng kanyang amain.

Sumulak ang galit sa dibdib ko. Dala ang itinatago kong baril, kinumpronta ko ang kanyang amain at tinanong kung bakit nagawa niyang pagsamantalahan ang kanyang stepdaughter.

Subali’t nagalit pa siya sa akin at wala raw akong pakialam sa buhay nila.

Dito nagdilim ang aking paningin at nabaril at napatay ko ang amain ng nobya ko.

Nasakdal ako sa salang pagpatay at ang masakit tanggapin ay mismong si Remedios pa ang tumestigo at nagdiin sa akin sa korte.

Akala ko, katapusan na ng mundo para sa akin. Ni hindi man lang ako sinilip sa piitan ng babaeng minahal ko nang labis.

Nang kalaunan, nabalitaan ko na lang na mayroon na siyang dalawang anak pero hiwalay sa asawa.

Hanggang ngayon, dala ko pa ang sakit na dulot ng pag-ibig. Habang naririto ako sa loob, ipinagpapatuloy ko ang pag-aaral ko at natapos ko ang high school. Ngayon ay nasa ikaapat na taon na ako ng kursong B.S. Commerce at noong Abril, nagtapos na ako.

Sana po, mapayuhan ninyo ako at ilathala ang aking pangalan para magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.

God bless you and more power.

Naphtali B. Balili
I-D College Dorm, UPHDS Annex,
Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776


Dear Naphtali,


Salamat sa liham mo at sana, matagpuan mo na ang katahimikan ng isip at damdamin sa kabila ng ginawa sa iyo ng dati mong nobya.

Masakit ang ginawa niya sa iyo, pero sa isang dako, sana hindi mo inilagay sa mga kamay mo ang batas.

Maaaring napilitan lang ang nobya mo na tumestigo laban sa iyo dahil sa kanyang ina at mga kamag-anak ng napatay mong amain niya.

Nangyari na ang hindi inaasahan bunsod ng init ng ulo at kabiglaanan.

Ngayong pinagdurusahan mo na ang resulta ng iyong kabiglaanan, pilitin mong tanggapin na ang katotohanang kung naging mahinahon ka ay wala ka diyan sa loob.

Kalimutan mo na rin ang dati mong nobya na naging mahina ang paninindigan. Mas makabubuti ang magpatawad at magsilbi rin sana itong isang leksiyon sa iyo sa hinaharap.

Pagbutihin mo na ang pagbabagong-buhay, magsikap na matutuhan ang katotohanan ng buhay na magsisilbing baon mo sa pagbabalik sa buhay laya.

Good luck to you at huwag mong kalimutan ang pananalangin tuwina.

Dr. Love

Show comments