May masamang tangka ang amain

Dear Dr. Love,

Binabati ko kayo ng magandang araw sa pagtanggap ninyo ng liham ko. Tawagin n’yo na lang akong Cristy, 21-anyos, dalaga at naninirahan sa iisang bahay kasama ang aking ina at ang kanyang ikalawang asawa.

Halos kasing-edad ko lang ang aking stepfather at tutol na tutol ako sa pakikipagrelasyon ng aking ina sa kanya. Pero iginalang ko pa rin ang desisyon ng aking ina na pakisamahan ang lalaking ito na isang adik.

Isang taon na silang nagsasama ngayon pero habang nagtatagal, napapansin ko ang makahulugan at malisyosong tingin sa akin ng aking stepfather.

Isang araw ng Sabado, habang nasa palengke ang aking ina, hinipuan niya ako sa maselang parte ng katawan kaya ako’y nagtatakbo palabas ng bahay.

Mahal na mahal ng nanay ko ang lalaking ito at kung magsusumbong ako, alam kong hindi siya maniniwala. Baka kagalitan pa ako at palabasing ako pa ang nagtatangkang agawin ang kanyang asawa.

Sinabi ko ang pangyayari sa aking boyfriend. Sabi ng boyfriend ko, magtanan na raw kami at magpakasal. Sabagay may magandang trabaho ang boyfriend ko at may sarili nang bahay na namana sa kanyang mga yumaong magulang. Matanda siya ng pitong taon sa akin.

Tama ba na sumama na akong magtanan para makaiwas sa masamang tangka ng aking stepfather?

Cristy


Dear Cristy,


Sa pag-aasawa, walang ibang dahilang dapat isangkalan kundi ang pag-ibig. Kung kayo’y nagmamahalan at alam mong magiging maligaya ka sa piling ng boyfriend mo, go ahead.

Pero kung may pagdududa ka pa sa damdamin mo, huwag kang makipagtanan kung ang rason mo lang ay para makaiwas sa masamang tangka ng iyong amain.

Mahal mo ba talaga ang boyfriend mo? Kung oo, go for it. Ang pag-iwas sa iyong amain ay secondary lamang na dahilan ng iyong pag-aasawa. Samantala, pag-ingatan mo ang iyong sarili. Tiyakin mo na huwag magpapaiwan sa bahay na kayo lamang ng iyong amain ang naroroon.

Dr. Love

Show comments