Litsong manok para kay mahal
April 25, 2006 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Isa pong mapayapa at mapagpalang-araw sa inyo at sa lahat ng mga bumubuo ng inyong malaganap na diyaryo, ang PSN.
Ako po pala ay si Ariel Rodelas, 36 years-old at kasalukuyang nakapiit dito sa Camp Sampaguita mula pa noong 1994. Dahil ang pitak ninyo ay kilalang tagapayo sa mga may suliranin, minabuti ko pong lumiham sa inyo at sana po ay malunasan ninyo ang aking problema.
Ako po ay ulilang lubos at walang maituturing na pamilyang nagmamalasakit. Maraming ulit na rin po akong nabigo sa pag-ibig at ang pinakamatindi po ay itong huli kong pag-ibig na siyang punot dulo ng aking pagkakapiit sa ngayon.
Dahil po sa labis kong pagmamahal sa kanya, nakalimot ako sa sarili. Lahat po ay ginawa ko sa kanya para maibigay ang kanyang mga gusto.
Pauwi na ako noon mula sa trabaho at mayroon akong bitbit na plastic bag na may lamang litsong manok na pasalubong ko sana sa mahal ko.
Sa kasamaang palad, hinarang ako ng dalawang tambay na nag-iinuman at pilit na inaarbor ang bitbit kong manok. Ngunit tumanggi ako kaya nagalit sila sa akin at ako ay pinagtulungan nilang bugbugin. Napilitan po akong lumaban. at dahil sa pagdidilim ng aking isip nakahagip ako ng bato at iyon ay walang habas kong ipinalo sa ulo ng isa sa kanila.
Nilitis po ako at nahatulang mabilanggo ngunit ang hindi ko matanggap ay ang ginawang pagtalikod sa akin ng aking mahal.
Ang pagmamahal ko sa kanya ang dahilan kung bakit naganap ang insidenteng hindi ko inaasahan. Mahigit na 12 taon na ang nakalilipas subalit ang sama ng loob at galit na nadarama ko para sa kanya ay nadarama ko pa.
Ano po ang nararapat kong gawin upang lumaya ako sa pait ng alaalang dulot niya? Sana po ay mapagpayuhan ninyo ako para makapagsimula na akong makapagbagong buhay.
Hanggang dito na lang po at sana sa pamamagitan ng inyong column ay magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.
Maraming salamat and more power.
Umaasa,
Ariel Rodelas
1-D College Dorm,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Ariel,
Una sa lahat, binabati ka ng pitak na ito at sana, mapatawad mo na ang nobya mong tumalikod sa iyo sa kabila ng ipinakita mong pagmamahal sa kanya.
Idalangin mo na sana ang pait na nadarama mo sa ngayon ay makalimutan mo na dahil nasa pagpapatawad ang susi ng paglaya mo sa dinaranas mong awa sa sarili, galit at poot sa nobya mong hindi natutong magsukli sa iyo ng katumbas na pagmamahal.
Ituring mo na lang na isang mahinang babae ang nobya mo at hindi niya kayang tumbasan ang damdamin mo para sa kanya.
Mayroong mga pangyayaring nagaganap para mamulat ang ating mga mata at nagsisilbing gabay sa pagtahak natin sa landas ng buhay.
Huwag mo nang panghinayangan ang babaeng tumalikod sa iyo pero alang-alang sa kapayapaan ng damdamin at isip mo ay kalimutan mo na siya.
Ituon mo ang pansin sa mga kapaki-pakinabang na gawain diyan sa loob.
Pag-aralan mo ring timpiin ang sulak ng damdamin dahil ito ang nagtulak para hindi sinasadyang makapatay ka.
Ang pagtitimpi ay pangontra sa pagsasagawa ng biglaang mga hakbang na hindi muna pinag-iisipang mabuti.
Paglaya mo, baunin mo ang mga natutuhan mong kabutihan diyan sa loob at sikapin mong matuto ng mga bagay na pagkikitaan habang nandiyan ka.
Alam kong mahirap ang lumimot lalot ang akala mo, naapi ka.
Pero kapag pinanatili mo ang poot sa dibdib, makakagawa uli ng mga bagay na hindi mo magugustuhan sa dakong huli.
Dr. Love

BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended