Kumusta ka? Sana abutan ka ng letter ko na malusog at walang problema. Isa ako sa libu-libo mong readers. Hindi ko ini-expect na hihingi rin pala ako ng payo from you. Mabigat na mabigat ang problem ko.
Tawagin mo na lang akong Elsie, 17-anyos at isang high school graduate. High school pa lang akoy may boyfriend na ako. Pero tutol ang aking mga magulang. Dahil madalas kaming mag-date, labis akong kinagalitan ng mga parents ko. Pinatigil ako ng aking mga magulang nang magtapos ako ng high school dahil gusto nilang akong makaiwas sa aking boyfriend.
Ikinulong nila ako sa bahay at hindi puwedeng lumabas nang walang escort. Ang hindi nila alam, lihim kaming nagkikita ni Robie kung gabi. Pagkatapos ng isang oras ay babalik ako sa amin. Dumaraan ako sa bintana kapag tulog na ang lahat ng kasambahay ko dahil isang palapag lang ang aming bahay. Maraming beses kaming nag-sex at hindi ko inisip ang masamang ibubunga nito.
Malaki ang problema ko ngayon. Sa palagay koy buntis ako. Nagsusuka ako at nahihilo pag umaga. Papatayin ako ng Daddy ko pag nalaman ito. Ano ang gagawin ko?
Elsie
Dear Elsie,
Kung totoo ang hinala mong buntis ka, malaking problema nga iyan. Ayoko sanang sabihin sa iyo ang lumang kasabihang "sungay mo sunong mo, buntot mo hila mo." Pero iyan ang dapat mong gawin. Harapin mo nang may katatagan ang problema at magtapat ka sa mga magulang mo.
Huwag kang mag-alala. Hindi ka nila papatayin. Akala mo lang iyan. Maaaring mapagbuhatan ka ng kamay o pagsabihan ng masasakit na salita pero walang magulang na papatay sa kanyang anak.
Sabihin mo man o hindi, malalantad din iyan sa malaon at madali kaya mas mabuti na ipagtapat mo na lang. Kung mayroon kang mga tiyo o tiya na puwede mong pagsabihan muna ng problema mo, gawin mo. Sila ang magsisilbing pacifier para mabawasan ang impact ng galit ng magulang mo.
Magsilbing aral din iyan sa mga magulang na ang sobrang paghihigpit ay madalas magbunga ng kapahamakan.
Dr. Love