Naglaro ng apoy

Dear Dr. Love,

Nawa’y sapitin po kayo ng abang liham kong ito na nasa mabuting kalagayan sampu ng inyong mga mahal sa buhay.

Ako po si Noli Balading, 30-anyos at nakakulong dito sa Muntinlupa sa kasong homicide.

Ang babaeng pinag-ukulan ko ng tapat at dalisay na pagmamahal ang siyang dahilan kung bakit narito ako ngayon sa kulungan.

Tandang-tanda ko pa po nang gabing iyon nang umuwi ako sa aming bahay sa Northern Samar mula sa trabaho.

Sinadya kong huwag lumikha ng ingay para masorpresa ko ang aking asawa.

Pero ako pala ang nasorpresa dahil nadatnan ko at nakita ng mismong mga mata ko ang kababuyang ginagawa ng aking asawa.

Siya ay naglalaro ng apoy sa kandungan ng isang kauri ni Adan.

Noong mga oras na iyon, poot at sama ng loob ang nanaig sa aking dibdib hanggang sa tuluyan nang pagharian ng demonyo ang aking isip.

Sa isang iglap, nagawa kong kumitil ng isang buhay. Huli na ang lahat nang ako ay magising sa katotohanan.

Huli na ang lahat nang para akong maalimpungatan at nang magising ako ay nakakulong na ako sa bilangguan.

Sa tulong ng inyong column, sa kabila ng aking kasalukuyang kalagayan, sana makatagpo ako ng mga kaibigan sa panulat, mga taong totoong kaibigan na marunong magpahalaga.

Thank you and more power.

Noli P. Balading
Bldg. 2 Dorm 232,

M.S, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City


Dear Noli,


Salamat sa liham mo at sana, matagpuan mo na ang katahimikan ng isipan sa ginagawa mo ngayong pagsisisi sa kabiglaanan ng nagawa mong pagkitil sa buhay ng isang tao.

Hindi ganap na maliwanag kung ang napatay mo ay ang iyong asawa o ang kanyang kalaguyo.

Gayunman, sana ay taimtim sa loob mo ang pagbabagong ginagawa mo diyan sa loob at sa tulong ng mga panalangin, sana ay mapatawad ka na sa ginawa mong kabiglaanan.

Hindi kita ganap na masisi sa nangyari dahil talaga namang nakapagpapawala ng katinuan sa isip ang personal na pagkakasaksi sa pagpugay sa karangalan mo sa loob pa naman ng sarili mong bahay.

Pero ang kabiglaanan nga ay may kapalit na parusa at ito nga ang pinagdurusahan mo. Magpakabuti ka sa loob. Ipakita mo na sa kabila ng nangyari, isa kang mabuting tao at marunong matakot sa Panginoon.Pagbutihin mo ang pag-aaral para sa paglaya mo, may magagamit kang pundasyon sa paghahanap-buhay pagkaraang mapagsilbihan ang hatol.

Dr. Love

Show comments