Isa pong magandang araw sa inyo at sa lahat ninyong mga kasamahan sa PSN.
Sana po, datnan kayo ng liham na ito na nasa mabuti at ligtas na kalagayan.
Isa po ako sa marami ninyong tagasubaybay sa pitak ninyo sa malaganap ninyong pahayagan.
Sana po, ang kasaysayan ng buhay ko ay kapulutan ng magandang aral ng mga kabataan at mga mambabasa ng inyong diyaryo.
Bago po ako nakulong sa pambansang piitan, isa po akong simpleng mamamayan sa Cavite, may trabaho at nakakasapat naman ang kita sa kalagayan ng aking pamumuhay.
Taong 2001, nagtatrabaho po ako sa Cavite Export Processing Zone at nakakatulong naman ako sa aking pamilya.
Minsan, nagkayayaan ang magbabarkada na lumabas at mag-happy-happy. Ayaw ko sana dahil hindi naman ako talagang umiinom pero naisip kong sumama na rin sa isang beerhouse sa Cavite City dahil paminsan-minsan lang naman ako lumabas.
Isang beer lang ang aking nainom at ang mga kasamahan ko ay lasing na. Isa sa aking barkada ang nagpatago ng kanyang wallet dahil lasing na daw siya at baka mawala ang kanyang pitaka.
Pauwi na sana kami pero ang ingay ng mga lasing ko nang kasamahan. Naiskandalo ang mga opisyal ng barangay sa pag-iingay ng mga kasamahan ko kaya lumapit siya sa amin at hinanapan kami ng ID.
Nang ilabas ang ID namin, nalaglag ang wallet ng nagpatago sa aking kaibigan lumabas ang ipinagbabawal na gamot.
Nagmatwid ako na hindi sa akin ang wallet kundi ipinatago lang. Pero hindi nila ako pinaniwalaan.
Sa buong buhay ko, noon ko lang nakita ang sinasabing shabu pero sinampahan nila ako ng kasong pag-iingat ng bawal na gamot.
Nasentensiyahan ako ng anim na taong pagkabilanggo.
Ngayon po ay narito ako sa pambansang piitan sa Muntinlupa. Nagdurusa sa hindi ko naman kasalanan.
Habang narito ako sa piitan, naisip ko na kaysa magmukmok ako ay kailangang gawin kong makabuluhan ang buhay ko sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng pag-aaral.
Sa ngayon ay nasa 2nd year na ako.
Ang pangalan ko po ay James C. Haidel, 27 years-old.
Sa pamamagitan po ng pitak ninyo, gusto ko pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Sana po, maunawaan ako ng mga makakabasa ng liham kong ito at hangad ko po na mabigyan ninyo ako ng payo.
Gumagalang,
James C. Haidel
I-D Student Dorm,
U.P.H.S. Ext. School,
Muntinlupa City 1776
Dear James,
Kung minsan, ang pakikipagkaibigan ay isang malaking pakikipagsapalaran. Ipinatago lang sa iyo ang wallet, nang mabuko, hindi ka na ipinagtanggol sa pagkakadawit sa kaso.
Isang malaking pagsubok sa iyo ang nangyaring ito. Hindi ka mahilig sa barkada at pag-inom pero sa bihira mong paglabas, nakasuhan ka at nabilanggo ka pa.
Hindi ka ba umapela sa kasong ito? Nasaan na ang taong nagpaingat sa iyo ng wallet?
Sana sa hinaharap, matuto ka nang pumili ng mga taong kakasamahin mo.
Malalampasan mo ang pagsubok na ito. Lamigan mo lang ang iyong ulo.
Mabuti naman at naisipan mong magpatuloy ng pag-aaral.
Sana, paglabas mo sa kulungan, mapakinabangan mo ang pinag-aralan mo.
Good luck at lalabas din ang katotohanan sa kaso mo kung alam mo lang umapela.
Dr. Love