Magandang araw sa iyo. Tawagin mo na lang akong Amelita, 25-anyos at dalaga. Laki ako sa hirap at high school lang ang naabot ko.
Maganda ako at maraming manliligaw. Isa na rito si Ruel na siyang nagpatibok ng aking puso. Isa rin siyang mahirap na katulad ko. Minsang lumuwas ako ng Maynila, may nakilala ako sa bahay ng aking mga kamag-anak na isang matandang biyudo. Mayaman siya at isang matagumpay na negosyante.
Sixty-eight years-old na siya at bayaan mong huwag ko nang banggitin ang kanyang pangalan. Nanligaw siya sa akin. Dito nangibabaw ang aking pangarap na hanguin sa hirap ang sarili ko pati na ang aking mga magulang. May sakit na kapwa ang aking amat ina at halos magkandakuba kaming magkakapatid sa pagbili lang ng kanilang kinakailangang gamot.
Hindi ko pa naman sinasagot si Ruel kaya naisip ko na malaya pa akong tumanggap ng ibang manliligaw at pumili ng nobyo. Gusto kong tanggapin ang matandang ito. Hindi dahil mahal ko siya kundi dahil sa mabibigyan niya ako at ang mabubuo naming pamilya ng magandang bukas. Makatutulong din siya sa aking mga magulang na may sakit.
Tama ba ang gagawin kong pagtanggap sa kanya?
Amelita
Dear Amelita,
Hindi tama. Unfair sa lalaking pakakasalan mo dahil papapaniwalain mong mahal mo siya gayung di naman pala.
Ang pag-aasawa ay kailangang bunga ng pag-iibigan. Kung walang pag-ibig, miserable ang kahihinatnan niyan. Baka dumating ang punto sa inyong pagsasama na pagtaksilan mo siya sa sandaling makakita ka ng lalaking tunay mong mahal. Maaatim mo ba na ang pagkababae moy angkinin ng isang taong hindi mo naman gusto? Habambuhay na kapwa ninyo hindi puwedeng isuka ang isat isa pag kasal na kayo.
Iyan ang aking pansariling opinyon at maaaring kakaiba ang sa iyo. Pero kung ilalagay ko ang sarili ko sa matandang balak mong tanggapin, malaking panlilinlang iyan sa akin kung pakakasalan mo ako dahil lamang sa aking pera.
Dr. Love