^

Dr. Love

Kailan lalayo ang unos

-
Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang po akong Reny delos Reyes, isang bilanggo sa Maximum Compound ng Dapecol, Davao del Norte.

Kabilang ako sa masusugid na tagasubaybay ng malaganap ninyong column na kinapupulutan ng mahahalagang aral sa buhay.

Sa pamamagitan po ng pitak na ito, hangad kong matunton ang kinaroroonan ng kaisa-isa kong kapatid na babae. Ang alam ko, nasa ibang bansa na siya ngayon. Hangad ko rin pong magkaroon ng maraming kaibigan sa panulat.

Bago ako napadpad sa bilangguang ito, masaya ang aming pamilya. Dalawa lang kaming magkapatid. Pero ang masaya naming buhay ay biglang winasak ng isang rumagasang bagyo nang maagang yumao ang aking ina.

Lalong nagkaroon ng batik ang aming samahan nang mag-asawang muli ang aming ama. Lagi na lang kaming mali kung nagkakaroon ng problema.

Ito ang nag-udyok para ako umalis nang walang paalam at napadpad ako sa Mindanao. Sa isang lugar dito sa Mindanao, sinikap kong makatayo sa aking dalawang paa.

Sa pamamagitan ng iwing kakayahan at sa tulong ng aking mga kaibigan, nakapasok ako sa isang malaking kompanya. Nang sa palagay ko ay nakaipon na ako ng kaunting pera, naisipan kong kunin ang aking kapatid para makatulong sa kanyang pag-aaral.

Pero talaga yatang mapagbiro ang tadhana dahil nang umuwi ako sa aming lugar, sa hindi inaasahang pangyayari ay mayroong masasamang elemento na nagtangkang patayin ako. Hindi ko alam ang dahilan. Nanlaban ako at dito ko napatay ang isa sa kanila na siyang naging dahilan kung bakit ako narito ngayon sa piitan.

Nang mabalitaan ng aking nobya ang nangyari, dinalaw niya ako agad. Nangako siyang tutulungan ako. Pero ang pangakong ito ay naglaho nang isa na namang unos ang nangyari. Nasagasaan siya ng isang taksi na naging dahilan ng pagkakaroon ng "crack" sa spinal column at hindi na siya nakalakad pang muli.

Pinuntahan ako ng mga magulang ng aking nobya at hiniling na sana ay pakasalan ko ang aking nobya na hindi ko naman tinanggihan.

Pero habang nag-uusap na kami ng kanyang mga magulang, dumating ang balitang yumao na ang aking mahal at wala nang magaganap na kasalan.

Mula nang ako ay makulong, ang pakiramdam ko’y nag-iisa na lang ako. Walang madaingan ng mga problema, walang alam na malalapitan para mahingan ng tulong.

Sana po, mabigyan ninyo ako ng payo sa aking kalagayan at sana rin, matunton ko ang aking nag-iisang kapatid.

Maraming salamat po.

Reny delos Reyes

Maximum Compound,
Dapecol, Davao del Norte


Dear Reny,


Hindi lahat ng panahon ay may unos ang iyong buhay.

Panatilihin mong buhay ang pag-asa sa kabila ng mga mapapait na hamong dumarating sa buhay.

Huwag mong kalimutan ang pananalangin. Sa Kanya ka tumawag at lumapit. Sa Kanya mo idaing na sana, pagkaraan ng maraming unos na sumapit sa buhay mo, may liwanag nang sisilay at bibihisin na ang paghihirap mo.

Maging pasensiyoso ka. Manatiling may tiwala sa Maykapal na hindi natutulog sa mga dumadaing at humihingi ng tulong para maibsan ang dinadalang suliranin.

Hangad ng pitak na ito ang maaga mong paglaya at pagbabalik sa lipunan.

Dr. Love

AKING

AKO

DAPECOL

DAVAO

DEAR RENY

DR. LOVE

MAXIMUM COMPOUND

NANG

PERO

SA KANYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with